KUALA LUMPUR — Nagpader si naturalized player Christian Standhardinger ng fourth straight double-double sa 13 points at 11 rebounds , gumutay ng gayunding performance si Troy Rosario at naipagpag ng Gilas Pilipinas ang Singapore 68-60 sa SEA Games men’s basketball semifinals kagabi sa MABA Stadium.

Top scorer si Rosario na may 14 bukod pa sa 10 rebounds, naka-10 points si Mike Tolomia sa fourth consecutive win ng Nationals, kasama ang three-game sweep sa Group A prelims.

Nanakot pa ang Singaporeans na dumikit sa lima sa last period mula sa 41-26 down.

Binulabog nang husto ng Singaporeans ang Filipinos, naghahangad ng pang-13 sunod na pagdedepensa sa titulo mula 1991 Manila SEA Games at 18th gold overall mula 1977.

Mamayang 6 p.m. sasabak sa gold-medal game ang Gilas kontra sa nanalo sa Thailand-Indonesia sa isa pang semis pairing.

Tinapos naman ng Perlas Pilipinas ang kampanya sa single round robins women’s side sa pagtimbog sa Vietnam 118-44, para sa 4-2 win-loss record at manatiling contender sa medalya ng torneo.

Humalukay si Cindy Resultay ng 26 points, 3 rebounds, 3 assists at 8 steals para sa mga Pinay, sumuporta si Raiza Rose Dy ng 23 points.