Gilas dapat kumonekta ang tira sa labas, iwas turnover

Napaliguan ng turnovers ang Gilas Pilipinas, ‘di pa kumokonekta ang mga tira sa labas.

Idagdag ang mainit na shooting ng Italy, sadsad ang Filipinos 108-62 sa unang sultada ng FIBA World Cup sa China.

Napuwersa sa 23 turnovers ang Gilas, 13 dito ang steals. Overall, nangolekta ang Azzurri ng 34 points off turnovers.

Nakalista sa pangalan ni Andray Blatche ang 9 turnovers ng Gilas, nasapawan ang kanyang 15 points at 10 rebounds.

Nai-convert ng Pilipinas sa 14 points ang 13 miscues ng kalaban.
Sa first quarter lang ay may 8 errors ang Nationals­ na sinamantala ng Italians para tapusin ang period 37-8.

Sablay ang unang 17 pukol ng Filipinos bago pumasok ang bato ni Kiefer Ravena 7 minutes sa third, pero malayo na ang Italy 90-46. Nagdagdag ng tig-isa mula long distance sina CJ Perez at Blatche pero final score na lang ang hinihintay.

“I’m sure they did their homework, but but we also got into early trouble with our turnovers and we couldn’t hit our 3 balls,” bulalas ni coach Yeng Guiao. “It’s a combination of all these things.”

Isa pa sa nagpahirap sa Filipinos ang ‘di hamak na mas malalaking Italians, mas mabibilis pa.

Ang guards at bigs ng ng Gilas, ‘di makasabay sa counterparts.
Hiningal sila sa kababalya at kahahabol kina Danilo Gallinari, Marco Belinelli, Luigi Detome at Amedeo Tessitori.

“They have the size with their guards that we didn’t have, and they have the quickness of their bigs which we didn’t have,” suma ni Guiao.

Malimitahan man ang turnovers at kumonekta ang mga tira sa labas mamayang 7:30 pm sa Foshan International Sports and Cultural Arena din, malaking problema pa rin sa Filipinos.

Toka nila ang world No. 4 Serbia na may Nikla Jokic, Boban Marjanovic at Nemanja Bjeli­ca. (Vladi Eduarte)