Gilas inalala ang Wuhan

ILANG masasayang alaala ang hindi makakalimutan ng Gilas Pilipinas sa lugar ng Wuhan, China bago nakilala sa buong mundo ang probinsiya bilang pinagmulan ng nakamamatay na sakit na Coronavirus o COVID-19.

Dalawang magkaibang koponan kasama ang opisyales at sumusuporta mula sa Philippine Basketball Association at Samahang Basketbol ng Pilipinas ang nakatuntong sa Wuhan bilang parte ng Gilas Pilipinas na nagpakita ng lakas tungo sa pagtuntong nito sa FIBA World Cup noong 2014.

Kaya naman kilalang-kilala ng mga Pinoy player ang provincial capital sa Hubei biago na lamang ito naging punto ng pagkadismaya dahil sa ipinalaganap nitong pandemic virus.

Ang Wuhan ang kinikilalang sports mecca sa Central China kung hindi lamang sa idinulot nitong epedimya sa buong mundo na nakaapekto sa halos lahat ng aktibidad sa sports sa buong mundo.

Isa sa nakatunghay sa naging tagumpay ng Gilas Pilipinas sa Wuhan ang kasalukuyang PBA Commissioner na si Willie Marcial.

“Doon napag-kwentuhan casually ang Gilas Pilipinas II idea which became a success story,” sabi ni Marcial, na dating special assistant sa PBA commissioner noong makarating sa Wuhan kasama ang ibang opisyal ng PBA para bigyang suporta ang Gilas Pilipinas noong 2011 FIBA Asia Championship.

Ang koponan na binubuo ng orihinal na Gilas team at pinalakas ng pagdagdag kina Asi Taulava, Kelly Williams, Ranidel de Ocampo at Jimmy Alapag sa ilalim ni Rajko Toroman, ay nagawang pumang-apat matapos mabigo sa mga krusyal na laban sa Jordan at Korea para sa medalya.

Ang ikaapat na puwesto ang pinakamagandang naabot ng pambansang koponan sapul na pumangatlo habang kasama sina Alvin Patrimonio, Jerry Codinera, Benjie Paras at iba pa noong 1987 edition sa paggiya ni Joe Lipa.

Pinakamemorable ang torneo noong 2011 sa Wuhan dahil isinagawa dito ang Olympic qualifier.

Ang koponan ay binubuo ng mga player na mula college partikular sina Chris Tiu, Mark Barroca, Jvee Casio, Mac Baracael, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Marcio Lassiter at Chris Lutz.

Gayunman, hindi nakatuntong sa labanan sa medalya ang koponan sa magkasunod na kabiguan sa Jordan at Iran.

“Hindi nag-medal pero doon nagsimula yung arangkada ng Philippine team towards qualification to the 2014 World Cup,” sabi ni Marcial.

Ngayon ay tanging masasayang alaala na lamang ang naganap sa Gilas Pilipinas sa Wuhan. (Lito Oredo)