Ramdam na agad ang epekto ng pagdating ni Andray Blatche sa Gilas Pilipinas, nakumpleto ang 19-man pool na pagkukunan ng final lineup na isasabak sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China sa Aug. 31-Sept. 15.
Hyper at ganado ang mga nadatnan ni Blatche sa Meralco Gym sa Pasig Lunes ng gabi.
“I think that’s the ‘Dray Effect also, now that he’s here,” ani Gabe Norwood.
Sa mga regular na nag-eensayo mula sa pool, sina Japeth Aguilar at Poy Erram ang hindi nakarating.
Mas marami ang mga dating nakasama, may mga bagong mukha ring nakabungguang-siko agad ni Blatche tulad nina rookies CJ Perez at Robert Bolick.
Nakasabay naman daw agad ang naturalized center.
“I think everybody understands that we have to really maximize his days even more now,” dagdag ni Norwood. “He’s started to get caught up pretty fast, and we gotta build that chemistry once again … especially with new faces out here.”
Lunes at Huwebes na ang ensayo ng Gilas, sa susunod na buwan ay dadayo ng Spain para sa isang pocket tournament. Pagbalik ng Manila, dalawang friendlies ang nakalinya sa National team laban sa isang Australian team, ang Adelaide 36ers na kumakampanya sa NBL (National Basketball League). (Vladi Eduarte)