Butas ng karayom na ang papasukin ng Pilipinas para makahabol sa 2019 FIBA World Cup.

Naubusan sa final minute ang Filipinos at yumuko sa Iran, 78-70, sa pangalawang laro ng fifth window ng FIBAWC Asian Qualifiers Lunes ng gabi.

Sumampa sa 7-3 ang Iranians para okupahan ang second spot sa Group F, sa likod ng Australia.

Nalaglag sa fourth place ang Pilipinas sa even 5-5 win-loss card.

Sumampa sa solo-third ang Japan matapos sagasaan ang Kazakhstan, 86-70.

Kinolekta ng Japanese ang pang-anim na sunod na panalo matapos umpisahan ang eliminators sa 0-4.

May dalawang laro pa ang Pilipinas na parehong road games, kontra Qatar at Kazakhstan sa final window sa Pebrero.

Magkakaroon ng tsansa na humabol sa China 2019 ang Pilipinas kapag naipanalo ang huling dalawang matches, at umasa na isa lang sa dalawang laro ang mailusot ng Japan.

Top 3 teams ng Groups E at F, kasama ang best fourth-placed team, ang aabante sa FIBAWC. Mahirap pang sabihin kung masa-salvage ng Pilipinas ang best-fourth sa dalawang grupo.

Sa 3-pointer ni Beau Belga ay itinarak ng Pi­lipinas ang biggest lead 60-52, pero nakapag­lunsad ng 8-0 blitz ang Iranians para ibuhol sa 60-60, 6:29 pa.

Mula sa 62-62 deadlock, nagtuhog ng 5 straight points ang Iran pero muli ay nakabalik ang Filipinos, sa lucky bounce ng malayong 3 ni Jayson Castro mula sa tuktok ay nabawi ang trangko, 68-67, pero binawi muli ng mga dayo papasok sa last 2 minutes.

Huling hinawakan ng Filipinos ang manibela sa follow through ni June Mar Fajardo 70-69 may 64 seconds na lang, pero inari ng Iran ang final 9 points ng laro para kumpletuhin ang panalo.

Pagkatapos ng pang-agaw lead na bailout 3 ng Iranians, 71-70, napuwersa sa ilang ­errors ang Filipinos at hindi na nakabawi.

Pinangunahan ng 19 points ni Castro ang Pilipinas, may 17 points at 8 rebounds si Christian Standhardinger.

Tumapos si Marcio Lassiter ng 12 mula sa 3 for 6 shooting sa 3-point range.