Mga laro ngayon (MABA Stadium)
1:30 p.m. — PHL vs. Myanmar (m)
6:00 p.m. — PHL vs. Myanmar (m)

KUALA LUMPUR, Malaysia — Dumating na rito si Carl Bryan Cruz kaya tumaas ang kumpiyansa ng Gilas Pilipinas na magiging madali ang pagtaob sa Myanmar ngayon sa 29th Southeast Asian Games 2017 men’s basketball event sa MABA Stadium dito.

Galing ang 6-foot-5 power forward sa 29th FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon.

Gumapang sa hirap ang Filipinos kontra Thailand Linggo ng gabi bago naitakbo ang 81-74 win sa likod ng combined 45 points nina Troy Rosario, Christian Standhardinger at Ray Parks, Jr.

Umabante pa ang highly improved Thais 71-69 sa last 4 mi­nutes bago humarurot ng crucial plays sina Kiefer Ravena, Baser­ Amer, Parks at Standhardinger para sa maalab na simula sa misyon na 17th gold medal sa biennial meet sapul noong 1977.

Dalawang free throws at jumper ni Ravena ang nagbigay ng 75-71 bentahe sa mga Pinoys, sinundan ng lay-up ni Amer para sa 77-71 cushion sa final 2 minutes.

Nagpasakit sa ulo ni national coach Jong Uichico si Thai-American Tyler Lamb na namuno sa team sa 17 points, at giniyahan ang kampo niya sa 6 of 10 3-point shooting. Lamang din ang Thais sa rebounding department 50-42.

Pinasan ni Rosario ang Gilas sa 16 points at 10 rebounds, nagpader si si Standhardinger ng 15 at 10, may 14 points si Parks at 11 kay Ravena.