Tila nahihiya at parang gustong humingi ng paumanhin ang Gilas Pilipinas sa pagkatalo sa FIBA Asia Cup 2017 sa Beirut, Lebanon.
Dumating na ang team kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport at tanging si Roger Pogoy lang ang nagbigay ng pahayag sa sinapit ng Nationals.
Ang ibang miyembro ng koponan ay parang nahihiyang magsalita paglapag nila lulan ng Etihad flight na galing Beirut.
Ayon kay Pogoy, kulang daw sa paghahanda o training ang Gilas squad, kaya humihingi sila ng pag-unawa sa mga fans at nangako na babawi na lang sa susunod na lalahukang kumpetisyon.
Sa FIBA Asia Cup, kampeon ang Australia at runner-up ang Iran. Third ang Korea na nagpatalsik sa Filipinos sa quarterfinals, fourth ang China na unang biktima ng Gilas. Sunod ang New Zealand, Lebanon, pampito ang Pilipinas, nangulelat ang Jordan.
Napag-alamang humabol pa sa Lebanon ang big boss ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si business tycoon Manny V. Pangilinan para magbigay ng suporta sa Gilas.