Gilas third-best sa Asia

Tulad ng inaasahan, world No. 1 pa rin ang United States sa basketball, base sa pinakahuling inilabas na rankings ng FIBA.

Nasa ilalim ng three-peat Olympic champions Americans ang Spain, ­pangatlo ang tinalo ng US sa gold medal match sa Rio na Serbia na umangat ng tatlong hakbang sa ladder­ (+3). Kumukumpleto sa top five ang France at Lithuania.

Ang Gilas Pilipinas, umangat ng isa sa rankings at sumampa sa No. 27 best team sa buong mundo. Sa hanay ng Asian teams, No. 3 ang Gilas.

Hindi nakabiyahe sa Rio ang Philippine national team nang maagang mapa-exit sa FIBA Olympic Qualifying­ Tournament sa MOA Arena­ noong July.

Ang China pa rin ang No. 1 sa Asia, nakaupo sa No. 14 sa buong mundo.

Pero ang isa pang Asian powerhouse na Islamic Republic of Iran, -8 na sa rankings at bumaba sa No. 25 sa world, No. 2 sa Asia. Nakapagitan lang sa Iran at Pilipinas ang Uruguay na world No. 26.

Kumumpleto sa top 5 sa Asia ang Jordan na nasa ibaba ng Pilipinas sa world rankings sa No. 28, at Korea (No. 30).