Gina, hinabaan ang pasensya sa pang-aalipusta ng Kapuso

Gina Alajar
Gina Alajar
Gina Alajar

ININTINDI na lang ng actress/director na si ­Gina Alajar ang matin­ding panlalait ni ­Suzette Doctolero sa Facebook laban sa pelikulang Nabubulok na entry ni Sonny Calvento sa Cinemalaya 2017.

Si Gina ang bida sa naturang pelikula, na kasamahan ni Suzette sa GMA 7.

Pinuri ni Suzette ang Respeto ni Abra na dinirek ni Treb Montreras, pero ang Nabubulok na dinirek ng writer ng ABS-CBN 2 na si ­Sonny Calvento ay inalipusta niya nang husto na sinabi niyang BULOK at mapapamura ka sa kachakahan.

Nakausap si Gina ng kasamahan natin dito na si Noel Ferrer sa kanyang radio program na Level Up sa 990 Radyo ­Inquirer na nagsimula kamaka­lawa nang gabi.

Sabi ng aktres na nagdidirek na rin ng mga drama series sa GMA 7, “Unang-una, you have to understand where the person is coming from.

“Yung kasamahan naman na ‘yun, iyun ay matagal na rin namang kakilala. Hindi ka nagugulat sa mga ganu’ng komento,” safe niyang pahayag.

Napapangiti na lang si Gina na halatang ­ayaw na niyang patulan pa ang mga panlalait ng headwriter at Creative ­Consultant ng Kapuso Network na si Suzette.

Ikinuwento pa ni ­Gina na wala siya gaanong napanood sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya, pero marami ­siyang nababasa sa FB na mga komento ng mga nakapanood.

Meron siyang kaibi­gan na taga-industriya rin na nag-post ng opinyon sa mga pelikulang napanood pero tanging ang Nabubulok lang ang ­wala itong komento.

Sabi ni Gina, baka hindi nito nagustuhan, pero wala na lang itong inilagay na komento sa pelikulang iyun.

“Sa sarili ko lang, ‘ay sayang, kahit hindi niya nagustuhan, sana meron naman siyang sinabi.

“On the other hand, naisip ko rin na ­siguro wala siyang ­magandang masabi kaya hindi na lang niya sinabi. So, tumahimik na lang siya.

“Mas na-appreciate ko ‘yung tumahimik na lang siya. Kasi, isang industriya lang naman natin tong ginagalawan natin, magkakilala naman tayo.

“Buti sana kung hindi tayo pare-parehong practitioner, ‘di ba? Magka­kilala naman tayo sa isa’t isa, and we also have to remember that he’s a first time director,” saad ni Gina.

Mahirap daw husga­han agad ang isang direktor sa unang pelikula nito.

Napangiti na lang si Gina at pinalagpas na lang niya ito dahil sa panahon ngayon, parang hindi na raw nababagay na mag-away-away pa at magpalitan ng ‘di magagandang salita.

“It’s not a matter of life and death para magkagalit-galit tayo. Matanda na tayo, ‘di ba?

“Yung pusong mamon natin, hindi na siguro ‘yan. Dapat maghabaan na lang tayo ng pasensya sa isa’t isa,” pahayag pa ni Gina.