Aabot na sa ibang bansa ang adbokasiya ng premyadong travel show ni Gina Lopez na “G Diaries” sa ABS-CBN sa pagkakaisa ng programa at ng National Geographic Society (Nat Geo) para sa ikatlong season nito.
Magbabalik ang “G Diaries” simula Marso 3, 10 AM upang ibahagi ang kuwento ng walong komunidad ng I LOVE (Investments in Loving Organizations or Village Economies) na bibigyan ng teknikal at pinansiyal na suporta para sa mga proyektong isusulong nila upang maiangat ang kabuhayan sa kanilang lugar.
Nangako ang Nat Geo na ipapakita rin ang mga kuwentong ito sa buong mundo sa iba-ibang plataporma nito sa TV at online. Makakasama sila ng “G Diaries” sa mga “I LOVE” sites sa Tublay, Benguet; Bulusan, Sorsogon; Sta. Cruz Island, Zamboanga; Polomolok, South Cotabato; Lake Sebu, South Cotabato; Simunul Island at Bongao, Tawi Tawi; Upi, Maguindanao; at Maramag, Bukidnon, na tutulungang payamanin at palawakin ang mga industriyang natural sa kanila tulad ng agro-foresty, fishery, at ecotourism.
Sa isang press conference noong Pebrero 15, pumirma si Lopez at ang FOX International Channel senior vice president at general manager na si Jude Turcuato ng memorandum of agreement upang pagtibayin ang pagsasanib-puwersa ng “G Diaries” at Nat Geo.
Mula 2017, sinusuportahan ng “G Diaries” ang adbokasiya ng I LOVE sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga karanasan ng mga komunidad sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapaunlad ng kanilang lugar.
Noong 2018, nanalo ito ng Best Travel Show sa ika-32 na PMPC Star Awards at Most Development-Oriented Environment Program at the UP Gandingan Awards 2018.