
Sa press payanig para Hintayan ng Langit, nakakatuwang pagmasdan na ang dalawa sa maituturing na alamat sa showbiz industry, sina Eddie Garcia at Gina Pareño, magkasama sa presidential table at bida pa.
Sabi nga ni Direk Dan Villegas, “Isang malaking pribilehiyo na makatrabaho ko ang mga living legends na ito, I was and I am still starstruck. Si Ms.
Gina, nakatrabaho ko na isang soap prior to this kaya feeling ko, meron na kaming working relationship. Si Eddie, noong una nakaka-intimidate. Sobrang professional niya, hindi pwedeng pagduduhan ang pagiging batikan niya. Bilang isang young film maker, hindi ko na-imagine na madidirek ko itong dalawa.”
Inamin ni Ms. Gina na kahit paborito niya ang mga pelikula niyang Working Girls at Kubrador, iba ang affection niya para sa pelikula ni direk Dan kasi, “Kasi kakaiba ang kuwento, ‘yung istorya ang ganda talaga, kaiba rin ang direktor ko, matalino, matiyaga, minsan nga lang tinatarayan ako pero yung sa amin parang tampuhang nanay at anak lang. Hindi ko siya papansinin tapos mamaya, ayos na ulit kami. Saka dito, lovers kami ni Eddie.”
Biro ni Ginoong Garcia, “Si Gina kasi old man snatcher. Hahahaha. It is a pleasure working with her. Kasi she is very professional at talagang mahusay siyang aktres. Pag mahusay ang kasama mo, siempre mas dumadali ang lahat. Parang hindi na nagkakatrabaho.”
Ano nga ba ang kanilang sikreto para sa mahusay na pag ganap at pag-arte? Sagot ng leading man ni Ms. Gina, “Ako kasi, binabasa ko maigi ang script, siempre importante ang direktor, ang guidance niya. Saka dapat pag-igihan mo ang ginagawa mo kasi ito ang magiging rekomendasyon mo para sa susunod mong proyekto.”
Para kay Ms. Gina, “Dapat lang pag dumating ka set, prepared ka. Dumaan rin ako sa buhay ko na naging primadonna, na laging late. Yung ma ginawa ko nun na hindi tama, siempre hindi ko na ginagawa.”
Ang dalawang buhay na alamat, hindi rin namimili kung ano ang mga katauhang binibigay sa kanila, malaki o maliit na role, talagang binibigay nila ang lahat.
Ang best tip ni Ginoong Garcia sa lahat, “Live a simple life and when it comes to work, mahalin niyo ito, pagsikapan, pag-sipagan at maging patas sa lahat.”
Showing na ngayon ang ‘Hintayan sa Langit.’