Malinaw na ginagago lamang umano ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa pagsabing walang extra judicial killings (EJK) sa ilalim ng Duterte administration, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
“Ginagago tayo nitong mga pulis, nitong spokesman na ito. Kala ba nila naniniwala ang taumbayan?” pahayag ni Drilon sa himipilang DZBB kahapon.
“At maniniwala na walang EJK dito sa ating paligid? Iyan bang si Kian Delos Santos, hindi po ba extra judicial killing iyon?” tanong pa ng senador
Ayon kay Drilon, ang pag-amin ng PNP na may 4,000 ang nasawi sa war on drugs ng gobyerno ay malinaw na kaso ng EJK.
“Inaamin mismo ng kapulisan na halos 4,000 ang namatay na sinasabi nilang nanlaban. Iyan po ay EJK na ang ibig sabihin ay hindi mo pinadaan sa husgado, walang trial at bigla na lang guilty at pinatay na,” sabi ng mambabatas.
“Ang maliwanag po ay 4,000 ang namamatay kasama si Carl Arnaiz at si Kian. Iyan po ay kasinungalingan at niloloko po ang taumbayan. Ginagago ang taumbayan, to put it bluntly,” sambit pa nito.
Nauna nang inihayag ni PNP spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na walang nagaganap na EJK sa Duterte administration.