Patay ang isang 38-anyos na ginang makaraang pasukin at barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng kanyang bahay sa Baseco Compound, Port Area, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktima na si Maela Prisno y Cajara.
Nakatakas ang suspek bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa pamamaslang.
Nangyari ang krimen dakong alas-11:20 ng gabi sa tinitirhang unit ng ginang sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Block 15-A, Baseco Compound.
Bukod sa hindi pa tukoy ang suspek, blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng pagpatay sa biktima. Pero inaalam umano ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga ang pagpaslang sa ginang.
Dinala naman ang bangkay sa Cruz Funeral para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)