Ginang butas ang bungo nang hatawin ng martilyo ng ka-live in Part 11

Dahil maliit lamang ang nakuhang tirahan, hindi na rin naglagi rito ang tatlong anak ni Connie sa unang asawa at sa halip ay hinayaan na lamang nila ang dalawang kapatid na manatili sa piling ng kanilang magulang lalo na’t maliliit pa naman ang dalawa.

Sa nilipatan tirahan din inilipat ni Eric ang kanilang sari-sari-store dahil nasa delintera o harapan naman ng lansangan ang bahay na inupahan.

Sa loob naman ng 23-araw na pananatili nina Connie at Eric sa kanilang inuupanang tirahan, mas madalas pa ang kanilang pagsasagutan at pagtatalo nang dahil lamang sa paninibugho ni Eric na minsan ay humahantong pa sa magdamag nilang hindi pagkikibuan.

Dahil hindi na masaya si Connie sa kakaibang inaasal ni Eric at ang walang basehang pagseselos nito, nabanggit niya sa kinakasama na kung wala na itong tiwala sa kanya ay mas mabuti pang maghiwalay na lamang sila.

Hindi naging maganda sa pan­dinig ni Eric ang pagnanais ni Connie na maghiwalay na lamang sila kaya’t lalong tumindi ang kanyang paghihinala na may iba ng lalaki sa buhay ang kinakasama.

Lunes nang gabi ng Setyembre 23, 2019 nang magkaroon ng muling pagtatalo sina Eric at Connie matapos na muling ungkatin ng lalaki ang kanyang hinala na may ibang lalaki sa buhay ng kinakasama.

Ang pagsasagutan ng dalawa hinggil sa panggigiit ni Eric na may ibang lalaki sa buhay ni Connie ay naririnig ng kanilang kaserang si Estela Balasabas, pati na ang pagmumura dahil sa sobrang galit ng ginang sa ibi­nibintang ng kinakasama.

Narinig umano ni Balasabas na sumisigaw sa galit si Connie at sinasabing wala siyang lalaki at nagtatrabaho lang siya subalit hindi ito pinaniwalaan ni Eric.

Martes dakong alas-2:00 nang madaling-araw, Setyembre 23, 2019 nang makita sa nakakabit na CCTV camera ng Barangay 145 si Eric na bitbit ang dalawang anak na babae palabas ng bahay.

Sa pahayag ni Manila Police District Spokesperson at hepe ng Public Information Office Supt. Carlo Manuel, dinala ni Eric ang mga anak sa kapatid niyang babae na nakilala sa alyas “Cita” upang doon muna iwanan ang mga bata.

Nang tanungin umano si Eric ng kapatid kung ano ang nangyari, ang tanging naisagot aniya ng lalaki ay nagdilim na ang kanyang paningin bago nagmamadaling umalis at iniwan ang mga anak na walang tigil sa pag-iyak.

Labis ang naging pagkabahala ni Cita sa pahayag ng kapatid kaya’t ipinasya na magtungo sa bahay ng nakatatandang kapatid ni Connie na si Margarette Beldad Bancoro na namamahala sa panaderyang negosyo ng kanilang pamilya.

Binitbit din ni Cita ang dalawang pamangkin na patuloy na pumapalahaw ng iyak patungo sa bahay ni Margarette upang doon na muna iwanan ang mga bata bago ipinagbilin na puntahan sa bahay si Connie dahil masama ang kanyang kutob.