Naramdaman naman ni Connie ang tapat na pag-ibig na iniaalok sa kanya ng lalaking kinilala sa pangalang Eric Capulong, isang seaman, at naninirahan din lamang sa hindi kalayuang lugar sa kanilang inuupahang tirahan sa Tondo.
Sa pagsasalarawan naman ni Barangay Tanod Gil David sa lalaking namimintuho kay Connie, sinabi niya sa TUGIS na mabait at palakaibigan naman si Eric at lagi aniyang nakatawa sa tuwing makikipag-usap.
Hindi naman naging mahirap para kay Eric na makamit ang pagmamahal at tiwala sa kanya ni Connie kaya’t hindi nagtagal ay nagpasya ang biyuda na tanggapin ang alok na pag-ibig ng lalaki na naging dahilan upang tuluyan na silang magsama sa iisang bubong.
Bagama’t tanggap din naman ng mga anak sa una ni Connie ang muling pagbubukas ng kanyang puso sa tawag ng bagong pag-ibig, minabuti na nila na hayaan ang kanilang ina na lasapin ang panibagong ligaya sa piling ni Eric at manirahan sa magulang ng namayapang ama bagama’t kadalasan ay naglalagi rin sila sa ancestral house ng pamilya Beldad, sa piling ng mga nakatatandang kapatid ng kanilang ina.
Sa kabila nito, hindi naman nakakalimot ang mga anak ni Connie na dalawin siya sa kanilang bahay at sa katunayan ay dito pa rin paminsan-minsan umuuwi ang kanilang panganay na anak.
Kilalang matapang si Connie lalu na kung nakasalalay sa kaligtasan ng kanyang mga anak, patunay dito ang nai-post ng dalagitang si Aichel Nicole sa kanyang facebook account kung saan idinetalye niya ang galit ng kanyang ina nang minsan siyang bastusin ng isang lasing na lalaki sa kabilang barangay.
Nang magsimula namang magsama sa iisang bubong sina Connie at Eric, mistulang nakabawi sa delubyong dumating sa kanyang buhay ang biyuda dahil sa kanyang pakiramdam ay natagpuan na niya ang kapayapaan at ligaya sa piling ng bagong minamahal.
Nabighani nang husto si Connie sa tamis ng pagmamahal at pakikitungo sa kanya ni Eric lalo na’t hindi siya tinatawag ng lalaki sa kanyang pangalan kundi “Honey” ang tawag sa kanya kaya’t ganito rin ang ibinansag niya sa kinakasama.
Hindi rin naman naging mahirap sa dalawa ang tahakin ang panibago nilang landas ng buhay lalo na’t may naipon naman kahit papaano bilang seaman si Eric.