Bagama’t sa una’y kinakitaan ng pagkabahala si Tesoro sa pangambang likidahin siya ng mga umarestong pulis, napanatag ang kanyang kalooban nang makitang naging maayos ang pag-trato sa kanya ng mga pulis, at ito’y dahil na rin sa utos ni Chief Supt. Corpus na hulihin siya ng buhay.
Hindi rin ikinaila ni Tesoro ang akusasyon lalo na’t maraming matibay na ebidensiya at testigo na magpapatunay na siya ang may kagagawan ng krimen, partikular na rito ang testimonya ng nabuhay na si Analyn.
Nang iharap siya ng mga arresting officer ng Nueva Ecija provincial police kay Police Regional Office 3 Director Chief Supt. Corpus, inamin niya sa harap ng opisyal ang ginawang krimen bagama’t itinanggi ang unang bintang na nasa ilalim siya ng impluwensiya ng iligal na droga nang gawin ang krimen.
Ipinahayag din ni Tesoro na ginamit niya ang isang bolo o itak nang pagtatagain at saksakin ang kanyang ka-live in na si Jennifer matapos ang mainitan nilang pagtatalo pasado alas-kuwatro na nang madaling-araw.
Isinunod din niyang patayin ang lima pang miyembro ng pamilya Caballero bago mabilis siyang tumakas, sakay ng isang tricycle patungo sa kanyang sinilangang bayan ng Capas, Tarlac.
Ayon kay Tesoro, sadyang hindi niya tinangkang paslangin ang dalawang batang sina Shane at anak ng kinakasamang si Judy Ann dahil batid niyang wala pang kakayahan ang mga ito na magsalita at magsilbing testigo kung sakali sa nangyaring krimen.
Inamin din ni Tesoro na bago niya gawin ang krimen, maghapon niyang nilunod ang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng alak upang iwaksi ang labis na sama ng loob sa kanyang kinakasamang si Jennifer.
Bago aniya ang pangyayari, nagdabi sa kanya ang ka-live in na nais na nitong putulin ang kanilang ugnayan dahil niyayakag na siya ng naging kasintahan niyang dayuhang Amerikano na magsama na silang muli.
Sa pahayag ni Tesoro kay Chief Supt. Corpus, sinabi umano sa kanya ni Jennifer na ang dayuhan ang tunay na ama ng kanyang anak na si Judy Ann at isasama rin niya sa paglisan ang bata upang mabigyan ng magandang kinabukasan.
Bagama’t nabigla aniya siya sa inihayag sa kanya ng kinakasama, pilit pa rin siyang nagpakatatag at nakiusap sa kinakasama na huwag ituloy ang kanyang balak dahil ginagawa naman niya ang lahat ng mabuting paraan upang mapagkalooban ang mag-ina ng magandang buhay, pati na ang pamilya nito.
Ang pakiusap ni Tesoro sa kinakasama ay tila nawalan ng saysay kaya’t ibinuhos niya ang sama ng loob sa pag-inom ng alak sa paniwalang ang espirito ng nakalalasing na inumin ang tanging paraan upang malimutan niyang pansamantala ang matinding problema.
Gayunman, pasado alas-kuwatro na nang madaling-araw nang muli niyang kausapin si Jennifer upang pakiusapan na huwag ng ituloy ang planong pagsama sa dayuhang kasintahan subalit nauwi lamang ang kanyang pakiusap sa mainitan nilang pagtatalo.