KASAMA na sa daloy ng buhay ng maraming kalalakihan at maging ng mga kababaihan ang pag-inom ng alak na karaniwan na ring nagiging bahagi ng pagdiriwang ng iba’t ibang okasyon tulad ng kaa­rawan, paggunita sa anibersaryo, kapis­tahan, pagsasalo-salo sa araw ng Pasko at iba pang okasyon na dina­daluhan ng mga ­miyembro ng pamilya at malalapit na kaibigan.

Hindi nasusukat sa estado ng buhay ang pag-iinuman ng alak sa anumang uri ng okasyon dahil kahit sa malalayo at liblib na lalawigan, hindi nawawala ang alak na isa sa pinakahihintay na sangkap ng mga dumadalong kalalakihan sa gaganaping okasyon.

Karaniwan na tuloy na ang masaya at tahimik sanang pagdiriwang ng mahahalagang okasyon ay kadalasang nauuwi sa kaguluhan o hindi pagkakaunawaan lalo na kapag ang mga bisita ay nasa impluwensiya na ng alak.

Bagama’t kung may mabuti namang epekto sa pagkakaibigan at paghuhuntahan ang pag-inom ng alak sa mga pagdiriwang o mahahalagang okasyon, may masama rin namang resulta ang paglalasing lalo na sa mga kalalakihang nagbabago ang ugali kapag nasa impluwensiya na ng espiritu ng alak ang kanilang isipan.
Ang pag-iinuman din ng alak ang kadalasang hinahanap ng mga kalalakihan o maging ng kababaihan sa oras na makamit nila ang minimithing tagumpay sa anumang larangan na tila ba isa itong uri ng pasasalamat.

Nilulunod nila ang sarili at mga kaibigan sa pamamagitan ng pag-iinuman ng alak upang namnaming mabuti ang nakamit na tagum­pay sa anumang larangan na matagal nilang pinaghirapan.

Sa kabila nito, alak din ang nagiging sandalan ng mga nakakaranas ng matinding suliranin sa buhay na tila ba ang espiritu lamang nito ang tanging makakalunas sa kanilang kinakaharap na problema.

Marami ring insidente ng krimen at maging ng pagkitil sa sariling buhay ang nagaganap na sa tuwina’y nasa ilalim ng espiritu ng alak ang kriminal o ang nagpapatiwakal.

Tila ba kumukuha sila ng tapang at lakas ng loob sa pamamagitan ng pag-inom ng alak upang gawin ang isang krimen na sa kalaunan ay kanila rin namang pagsisisihan sa oras na mahimasmasan o tuluyang mawala ang epekto ng espiritu ng alak sa kanilang isipan.

Sa kaso ng isang magsasaka na pumatay sa anim na miyembro ng isang pamilya sa lalawigan ng Nueva Ecija, sa espiritu ng alak humugot ng lakas ang lalaki upang gawin ang karumal-dumal na krimen.

Lehitimong mga mamamayan ng Capas, ­Tarlac ang pamilya-Caballero bago sila ­lumipat sa isang inupahang bahay sa San Leonardo, Nueva Ecija sa kalagitnaan ng buwan ng ­Pebrero ng kasalukuyang taon.

Bagama’t purong Tagalog ang lengguwahe ng mga naninirahan sa lalawigan ng Nueva Ecija, salitang Kapampangan ang gamit na salita ng pamilya-Caballero kaya’t batid ng mga naninirahan sa lugar na hindi sila lehitimong tagaroon.