Sa pamamagitan ng ginawang pahayag sa pulisya ng nakaligtas sa pagpatay na si Analyn na nakapagbigay ng pahayag sa pulisya na ang kanyang bayaw na si Jessie ang may kagagawan ng krimen, kaagad ding inalam ng mga imbestigador ang tunay na pagkatao ng suspek

Binigyang-pansin din ni dating Police Regional Office 3 (PRO-3) Chief Supt. Amador Corpus ang nangyaring krimen at iniutos kaagad kay Senior Supt. Tanding ang mabilisang pag-TUGIS kay Jessie Tesoro.

Sa inilabas na kautusan ni Chief Supt. Corpus kay Senior Supt. Tanding, hindi dapat makalayo pa ang may kagagawan ng krimen at dapat ay madakip kaagad sa lalong madaling panahon.

Dahil naging malapit kaagad ang pamilya Caballero sa kanilang mga naging kapitbahay sa nilipatang lugar sa Brgy. Tambo Adorable kahit sa maiksing panahon pa lamang ng pananatili nila sa lugar, mabilis ding nalaman ng mga ito kung saan nagmula ang pamilya bago sila nalipat sa lugar.

Ibinahagi nila kay Chief Insp. Casilla ang lahat ng kanilang mga nalalaman kaugnay sa pinangga­lingan ng pamilya Caballero kaya’t mabilis nilang nakalap ang mga impormasyon sa katauhan ni Tesoro

Bukod dito, natukoy din ng mga imbestigador ang driver ng tricycle na sinakyan ni Tesoro matapos isagawa ang krimen at sinabi niya na nagpahatid sa kanya ang suspek na noon ay nakasuot na ng kulay puting t-shirt, sa junction ng bayan ng Sta. Rosa pasado alas-kuwatro nang madaling-araw.

Aniya, wala sa hinagap niya na nakagawa ng karumal-dumal na krimen ang kanyang pasahero dahil panatag ang kalooban nito at hindi man lamang kinakitaan ng takot o kakaibang kilos.

Ang lahat ng nakalap na impormasyon ng mga imbestigador ng San Leonardo Police kaugnay sa katauhan at posibleng pinagtagu­ang lugar ni Te­soro ay ipinaabot nila kina Senior Supt. Tanding at Chief Supt. Corpus.

Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang binuong tracking team ng Nueva Ecija police at sa pamamagitan ni Chief Supt. Corpus, mabilis nilang naka-ugnayan ang Tarlac Provincial Police na magbibigay ng ayuda sa kanilang isasagawang pag-TUGIS kay Tesoro.

Dahil tukoy na ng kapulisan ang lugar na pinagtaguan ni Tesoro, dakong alas-7:45 noong araw din nang Biyernes, Abril 20, 2018 nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Ecija provincial police at Tarlac provincial police ang dating bahay ng suspek sa Brgy. Cut-Cut 1 sa lungsod ng Tarlac.

Mahigit sa 15-oras pa lamang matapos isa­gawa ni Tesoro ang pagpatay sa kanyang kalive-in at pamilya nito, siya naman ang nagulat nang salakayin ng pulisya ang kanyang pinagtaguang lugar.

Natutulog na si Tesoro nang pasukin ng mga tauhan ng Nueva Ecija provincial police at Tarlac provincial police ang kanyang dating tirahan at matapos sabihin sa kanya ng mga awtoridad ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda doctrine, inaresto at pinosasan kaagad siya ng mga pulis.