Swak sa piitan ang isang ginang makaraang sapilitang hingan ng P6,000 ang tinulungang kapitbahay na makakuha ng Social Amelioration Program (SAP) sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City, noong Linggo.

Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Mary Ann Mangalili Velasquez, 42, ng Brgy. Old Balara.

Sa imbestigasyon ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), ang entrapment operation laban sa ginang ay isinagawa alas-dos ng hapon sa loob ng Barangay Hall ng nasabing barangay.

Base sa reklamo ni Joel Leocadio Subito, 27, binata, residente ng Luzon Avenue, Brgy. Old Balara, noong May 5, ay ni-recruit diumano siya ni Velasquez na mag fill-up ng Social Amelioration Program (SAP) form.

Pero ayon umano sa suspek, sa P8,000 na matatanggap ni Subito, ang P6,000 ay ibibigay sa kaniya. Dahil walang trabaho ay napilitan umanong mag-fill up ng form ang biktima.

Nitong May 6, matapos na makatanggap ng 8,000 mula sa SAP si Subito ay makailang ulit siyang tinawagan ni Velasquez at pilit na hinihingi ang kanilang napagkasunduan umanong parte nito na P6,000.

Dahil sa takot ay napilitan si Subito na bigyan ng parte ang suspek na P5,000 subalit noong May 9, ay muling tinawagan ang biktima ni Velasquez at pilit na hinihingi ang kulang na P1,000.

Agad namang ini-report ng biktima ang insidente sa kanilang barangay chairman sa at sa pamamagitan ng entrapment operation ay naaresto ang suspek.

Hinahanda na ang patong-patong na kasong kakaharapin ng suspek. (Dolly Cabreza)