Ginang, tinadtad nang pinong-pino ng asawa at ipinakain sa mga isda

new-edison-reyes-tugis

Hindi naman na­lingid sa kaalaman ng mga magulang ni Jem ang kanyang naging pasya na sagutin ang pamimin­tuho ni Mangabat lalu na’t naniniwala sila na may sapat na kaisipan at kaalaman ang dalaga kaya’t marapat lamang na igalang din nila ang tinitibok ng puso ng anak.

Nang lumalim na ang relasyon nina Jem at Mangabat, dito na nagsimulang magtaka ang mga kaanak ng dalaga dahil napapadalas ang paghingi ng salapi ng babae sa kanyang mga magulang na ang laging ikinakatuwiran ay para sa kanyang pag-aaral.

Hindi naman pinag­dudahan ng mga magulang ni Jem ang madalas na panghihingi ng salapi ng anak lalu na’t batid din naman nila na sadyang maraming pinagkakagastusan ang mga estudyanteng malapit nang magtapos sa kanilang kurso dahil na rin sa dami ng mga school projects na dapat tapusin.

Wala rin sa hinagap ng mga magulang ni Jem na baka hinuhuthutan lamang ng kanyang boyfriend ang anak dahil kilala nila ang makapangyarihang pamilya ng mga Ortega na may sapat na kabuhayan at hindi kailanman nagsasamantala para magkamal ng salapi.

Maging ang mga ka-klase at malalapit na kaibigan ni Jem ay nagtataka na rin sa kakaibang ikinikilos ng dalaga kapag magkakasama sila sa pamantasan lalu na kapag kasama ng dalaga ang kasintahan.

Sa kabila ng kakaibang ikinikilos ng dalaga, nagpatuloy pa rin ang kanyang pakikipagrelasyon kay Mangabat hanggang noong Agosto 3, taong 2015, nagpaalam si Jem sa kanyang amang si Reynaldo Andres na hindi muna siya uuwi dahil tatapusin nila ang school project sa bahay ng isa niyang ka-klase.

Hindi naman pinaghinalaan ni Mang Reynaldo ang anak dahil bilang isa ring kawani ng Mariano Marcos State University na nakatalaga sa Communication and Media Relations Office, batid niya ang dami ng mga school projects na ipinagagawa ng mga professor sa mga gradua­ting students.

Gayunman, kinabukasan, Agosto 4, 2015, ­pasado alas-singko ng madaling-araw, isang bangkay ng babae na nakasuot ng puting short at kulay asul na midrib blouse ang natagpuan ng mga residente na duguang nakahandusay sa gilid ng ginagawang lansangan ng Barangay San Cristobal sa bayan ng Sarrat, lalawigan ng Ilocos Norte.

Sa pagsisiyast ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) may tama ng bala sa ulo ang biktima na kalaunan ay nakilala na rin bilang si Jemima Kezia Mata Andres, ang magandang anak ni Mang Rolando.

Halos pagsakluban ng langit at lupa ang mga magulang ni Jem nang makita ang kalunos-lunos at duguang bangkay ni Jem na nakahandusay sa gilid ng ginagawang lansangan.

Sa kanyang pahayag sa pulisya, sinabi ni Mang Reynaldo na bago pa man magpaalam sa kanya si Jem na hindi makakauwi dahil may tatapusing school project sa bahay ng isang ka-klase, nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanyang anak sa pamamagitan ng text na humihingi ng P15,000 para aniya panggastos sa kanilang school project.

Idinagdag pa sa mensahe ni Jem na ipadala na lamang sa pangalan ng kanyang kasintahang si Francis Ortega ang salapi dahil wala sa kanya ang school identification card (ID) kaya’t naniniwala si Mang Reynaldo na magkasama ang dalawa.