Nang maipadala ni Mang Reynaldo ang salapi sa pamamagitan ng mo­ney transfer, tinawagan niya ang anak upang ipabatid na naipadala na niya ang perang kinakailangan sa school project subalit hindi aniya sumasagot sa kanyang tawag si Jem.

Dahil dito, sinabi ni Mang Reynaldo sa pulisya na tiyak na may kinalaman sa pagpatay sa kanyang anak si Francis Ortega dahil maging ang lalaki ay hindi na rin aniya lumutang at hindi na rin mahagilap ng pulisya upang ipaliwanag kung paano napatay si Jem.

Humingi rin ng tulong bilang kawani ng MMSU si Mang Reynaldo sa matataas na opisyal ng pamahalaan, partikular kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos na tulungan ang kanyang pamilya na ma­lutas ang karumal-dumal na pagpatay sa kanyang anak dahil ang alam niya ay kabilang sa maimpluwensiyang pamilya ng mga Ortega ang suspek na kasintahan ng kanyang anak.

Nang puntahan ng mga tauhan ng pulisya ang bahay na tinutuluyan ng inakala nilang si Francis Domingo Ortega, wala na sa kanyang tinutuluyan ang lalaki, pati na ang kanyang inang si Adelia at bitbit na rin ng mag-ina ang kanilang mga damit at mahahalagang gamit.

Dahil dito, naglunsad ng malawakang pag-TUGIS ang pamunuan ng Ilocos Norte Philippine National Police (PNP) pati na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa agarang ikadarakip ng suspek subalit bigo silang matunton kaagad si Mangabat.

Nang mabigo ang kapulisan na madakip si Mangabat, inihain ng Ilocos Norte PNP ang kasong murder laban sa isang Francis Domingo Ortega na siyang ginamit na alyas ni Mangabat sa tanggapan ng Laoag City Pro­secutor’s Office.

Dahil wala kahit anino ng isang Francis Ortega o ng kanyang abogado ang dumalo sa pagdinig ng piskalya, naglabas ng resolusyon ang tagausig na nagpapatunay na may sapat na katibayan upang sampahan ng kasong murder ang akusado.

Matapos mai-raffle ang kaso, bumagsak ang usa­pin sa sala ni Laoag City Regional Trial Court (RTC) Judge Francisco R.D. Quilala ng Branch 14 na kaagad naglabas ng warrant of arrest para sa agarang ikadarakip ng akusado sa pagpatay sa graduating college student na si Jemima Kezia Andres.

Dahil na rin sa pagkabigo ng Ilocos Norte PNP at ng CIDG na madakip ang nagpapakilalang Francis Ortega, pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso kaya’t natukoy din ang tunay na pagkakakilanlan sa akusado bilang si Victorino Mangabat Jr. o Jay-Ar Mangabat.

Gayunman, hindi rin matunton ng NBI ang kinaroroonan ni Mangabat kaya’t inilagay ang kanyang pangalan bilang most wanted person ng Ilocos Region.

Sa pahayag sa TUGIS ni Col. Tamayao, mula sa Ilocos Norte ay nagtago sa Albay sa Bicol Region si Mangabat, kasama ang inang si Adalia at ang magta-tatlong taong gulang na anak niyang lalaki na si JB.

Sa isang bayan sa Albay nakilala ni Mangabat ang 25-anyos na si Juliet Latade na isang da­ting overseas Filipino worker (OFW) na kanyang kinaibigan at pinangakuang tutulungan sa kanyang ambisyon na muling makaalis ng bansa.
Napaniwala naman si Juliet sa mga pangakong binitiwan ni Mangabat kaya’t pinanghawakan niya ang mga salita ng lalaki para maging malapit sila sa isa’t isa.

Sinamantala naman ito ni Mangabat at muli niyang ginamit ang kanyang karisma upang ligawan ang babae at pangatawanan ang binitiwang pangako na tutulungan niyang makaalis palabas ng bansa si Juliet.