Noong Agosto 16, 2015, ipinasya ni Ma­ngabat, kasama ang inang si Adalia at anak na si JB, na umalis na sa lalawigan ng Albay at puwersahan din niyang isinama si Juliet matapos na maging wanted na rin sa mga kagawad ng PNP sanhi ng mga kinasasangkutang kaso ng estafa at robbery.

Mula sa Bicol region, pansamantalang nagtago sa lungsod ng Maynila si Mangabat at ga­mit ang salaping kinita sa mga kinasangkutang kaso ng pagnanakaw at estafa, pansamantala silang naninirahang mag-ina sa isang mumurahing hotel, kasama rin si Juliet.

Dahil sanay nang gumawa ng iligal na aktibidad, sinabi ni Col. Tamayao sa TUGIS na muling nasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen sa Maynila at iba pang lungsod sa Metro Manila si Mangabat, kabilang na ang pagtangay sa ilang mga sasakyan na kanyang ginagamit sa pagtakas sa mga tumutugis na awtoridad.

Isa sa mga sasakyang tinangay ni Mangabat ang kulay puting Montero sports utility vehicle na kanyang ginamit nang lisanin ang Maynila sa takot na masakote na siya ng mga pulis makaraang masangkot sa mga iligal na aktibidad.

Natuklasan din ni Mangabat na kumikilos na ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) pati na ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magsagawa ng pag-TUGIS laban sa kanya kaya’t ipinasya niyang lisanin ang Metro Manila lalu na’t batid niyang sumisikip na rin ang mundo niya sa kalungsuran.

Gamit ang tinangay na sasakyan na kanyang pinalitan ng plaka mula sa iba pang ninakaw na sasakyan, muling tinahak ni Mangabat ang daan patungo sa Region 2 ng Cagayan Valley, ang itinuturing na pinakamalaking rehi­yon sa hilagang-silangan ng Luzon na kinapapalooban ng limang malala­king lalawigan at apat na lungsod, kabilang ang Tuguegarao.

Sa naging paha­yag pa ni Juliet kay Col. Tamayao na noon ay siyang chief of police ng lungsod ng Tuguegarao, ila
ng araw din silang nanatili sa isang liblib na lugar sa hindi niya matukoy na lalawigan sa Cagayan Valley at ginamit nilang tirahan ang tinangay ni Mangabat na sports utility vehicle (SUV) na may nakaka­bit na plakang VEM-787.
Idinagdag pa ni ­Juliet sa kanyang pahayag sa pulisya na nakakapaligo lamang umano sila sa isang malinis na ilog at ang mga baon nilang pagkain ang kanilang pinag­hahatian upang mairaos ang kanilang gutom.

Nang maubos na ang baong pagkain, ipinasya ni Mangabat na lisanin ang liblib na lugar at dahil nag-iba na ng bahagya ang kanyang pi­gura matapos magpahaba ng bigote at balbas, naglakas-loob si­yang magtungo sa lungsod ng Tuguegarao upang humanap ng pagkaka­kitaan kahit pa nga batid niyang wanted na siya sa batas at itinutu­ring ng kapulisan bilang number 1 most wanted person ng Region 2.