Nang umupo bilang chief of police ng lungsod ng Malabon si Colo­nel Jessie Tamayao, iilan lamang sa kanyang mga dinatnang opisyal at pulisya ang nakakabatid kung ano ang kanyang kaalaman at kakayahan upang pamunuan ang isa sa mga lungsod sa Metro Manila.

Maraming mga opis­yal na kapareho niya ng ranggo na tulad niya, ay may sapat ding kakayahan na nagnanais na pamunuan ang isang lungsod sa Metro Manila na tulad ng Malabon subalit hindi sila pinalad na makuha ang posisyon.

Hindi naman hinangad at lalong hindi ginapang ni Col. Tamayao ang kasalukuyang puwesto dahil kung tutuusin ay mas nanaisin pa niyang pamunuan ang mga lungsod na malapit sa kanilang lalawigan sa Ilocos Region subalit dahil sa naging kapasyahan ng mga nakatataas sa kanya, bukas-palad niyang tinanggap ang hamon.

Kung kakayahan at karanasan din lang kasi ang pag-uusapan, masasabing taga na rin sa panahon ang kanyang pinagdaanan lalo na’t dati na siyang natalaga sa Police Regional Office (PRO) 2, PRO 9 at PRO 6 at tatlong taon sa Special Action Force (SAF) mula taong 1996 hanggang taong 1999.

Isa rin si Col. Tamayao sa mga opisyal na ipinadala ng Philippine National Police (PNP) sa mga bansa ng Haiti at Sudan upang gampanan ang peace keeping mission.

Bago natalaga bilang chief of police ng Mala­bon si Col. Tamayao noong Oktubre 8, 2018, siya ang tumatayong hepe ng Camp Security and Escort Unit sa Camp Crame.

Nang makapanayam ng TUGIS si Col. Tamayao, isinalaysay niya ang isa sa kontro­bersyal na kasong kanilang nalutas na kinasasangkutan ng isang anak ng dating maimpluwensiyang politiko sa lalawigan ng Isabela at tinaguriang most wanted person ng Ilocos Region.

Ang lalaking tinutukoy ni Col. Tamayao ay si Victorino Mangabat, Jr. na nagpapanggap din sa mga pangalang Francis Domingo Ortega, Jay-Ar Mangabat at Kiko na itinuturong may kagagawan sa brutal na pagpaslang sa isang beauty titlist at graduating student ng Mariano Marcos State University sa Batac, Ilocos Norte noong Agosto 4, 2015.

Bago pa man mailagay bilang most wanted person sa Ilocos Region si Mangabat, nakilala na siya bilang anak umano sa labas ng isang dating bise alkalde sa isang lungsod ng Isabela at nagpapakilala rin bilang pamangkin ng isang gobernador ng La Union kaya’t hindi matatawaran ang kanyang impluwensiya sa kanilang lugar lalo pa’t may kakayahan din naman ang kanyang ina na sinasabing nagmamay-ari ng ilang lupain sa lalawigan.

Bukod sa kabilang sa maimpluwensiyang pamilya sa Barangay Carabatas, Grande, Centro Cauayan, Isabela, nagtataglay rin si Mangabat ng isang katangian na labis na kinahuhumali­ngan ng karamihan sa mga kababaihan at ito ay ang pagkakaroon niya ng matamis na pana­nalita at mabulaklak na dila.