Mistulang tumawid kay Kamatayan ang isang 37-anyos na ginang nang mabangga ng isang sasakyan habang tumatawid sa kalsada sa Gen. Trias City, Cavite.

Isinugod pa sa GenTri Medical Hospital ang biktimang si Cristina Antonio, may live-in partner, ng Block 56, Lot 24 Holiday Homes, Brgy Biclatan, Gen. Trias City, Cavite subalit namatay din dahil sa matinding pinsala sa kanyang katawan. Hawak naman na ng pulisya ang driver ng isang Toyota Grandia na may plakang NEF 1237 na si Leandro Cortez, 54, may-asawa ng Brgy. Halang, Amadeo Cavite.

Sa ulat ni Corporal Mamol Cunanan, ng Gen. Trias City Police Station, alas-8:30 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa C.M. Delos Santos Reyes Road sa Brgy Biclatan ng naturang Lungsod kung saan tumawid sa kalsada ang biktima nang nabangga siya ng minamanehong sasakyan ni Cortez na binabagtas ang nasabing lugar patungo sa direksiyon ng Amadeo Road.

Tumilapon ang biktima at agad na isinugod sa ospital subalit namatay din ito habang ginagamot dahil sa tinamong matinding pinsala sa katawan. (Gene Adsuara)