Ginang todas sa namaril na ex-cop

Patay ang isang ginang matapos tamaan ng ligaw na balang galing sa baril na ipinutok ng isang retiradong pulis sa kaaway nito sa kanilang lugar sa Magdalena, Laguna, Sabado ng hapon.

Isinugod pa sa ospital subalit nasawi rin ang biktimang si Marisol Salosa, 44-anyos, dahil sa mga tamang tinamo sa katawan.

Batay sa ulat ng Magdalena Police Station, kinilala ang retiradong pulis na si Benedicto Bandioan.

Nasa loob umano ng kanyang tindahan ang suspek sa Brgy. Tipunan nang may makaaway itong lasing na nasa labas ng tindahan.

Sa init ng pagtatalo, bumunot ng baril ang suspek at ipinutok ng anim na beses sa lasing. Pero hindi naman tinamaan ang lasing at sa halip lumusot ang bala sa dingding ng katabing bahay kung saan nakatira ang biktima at ito ang sinapol ng bala.

Naaresto ang suspek at sinampahan na ng kaso. (Ronilo Dagos)