Walang kasinglupit na kamatayan ang sinapit ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa kamay ng mga pinaghihinalaang vigilante group, dahil bakas ang sobrang pahirap na dinanas nito sa mahigpit na pagkaka­gapos na parang baboy at pagkaka­bigti bago itinapon na parang basura sa marumi at mabahong tubig sa ilalim ng isang tulay sa Quezon City.

Ayon kay PO2 Marlon dela Vega, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) may-hawak ng kaso, ang biktima ay kinilala lang sa alyas na Teteng, nasa pagitan ng 25 hanggang 30-anyos, naka suot ng sando at kulay brown na short pants, may mga tattoo ito na dragon sa bewang, mata sa kanang balikat, sapot ng gagamba sa tuhod at scarface sa kanang hita, at salitang “patawad po Jerdie Alejo Joel” sa kanyang dibdib.

Sa pagsisiyasat, dakong alas-6:15 ng umaga kahapon nang ma­diskubre ang bangkay ng biktima sa ilalim ng tulay na matatagpuan sa kahabaan ng Katipunan A-venue, Brgy. Nagkakaisang Nayon, Novaliches Quezon City.

Isang concerned citizen umano ang nakadiskubre sa bangkay habang nakalutang sa maruming tubig sa ilalim ng tulay kung kaya’t agad na ini-report ito sa QCPD Police Station 4.

Nang hanguin ay doon na nakita ang mahigpit na pagkakagapos-patalikod sa kamay nito gamit ang makapal na tela at bakas ng pagka­kabigti sa leeg upang tuluyang mamatay.

Samantala, blangko pa ang mga awtoridad sa tunay na pagkakakilanlan ng biktima at kung sino ang posibleng may kagagawan ng krimen ganundin sa motibo ng pamamaslang.