Ginawang bibingka ang Meralco consumers

Inihalintulad ng mga kurimaw nating pawisan dahil sa init ng panahon na parang bibingka raw ang mga consumer ng Meralco na nagbayad ng kanilang billing ng kuryente sa pamamagitan ng isang online application.

Tulad kasi ng bibingka na niluluto sa pamamagitan ng init sa ibabaw at ilalim, para daw pinainitan din sa ilalim at ibabaw ang mga Meralco consumer na nagbayad sa pamamagitan ng app. dahil mayroong pala itong P47 na “convenience fee.”

Dahil nga may community quarantine at walang pasok sa mga tanggapan ng Meralco para doon magbayad, pinipili na lang ng mga tapat na Meralco consumer na magbayad via online. Aba’y puna ng mga kurimaw natin, bakit hindi na lang inilibre o sinalo ng Meralco ang “convenience fee” para mabawasan naman ang gastusin ng kanilang mga consumer?

Aba’y may mga reklamo na nga kung papaano nakuwenta ng Meralco ang kanilang sinisingil sa mga consumer para sa buwan ng Marso, Abril at Mayo, at pagkatapos ay nasita naman ang kanilang “convenience fee.”
Ang paliwanag naman ng isang opisyal ng Meralco, hindi naman sa kanila napupunta ang “convenience fee” kung hindi sa namamahala sa online payment gateway na PayMaya. Okey na sana ang ganung depensa pero lumitaw na may-ari pala ng Meralco at PayMaya eh iisa—si Ginoong MVP o Manny V. Pangilinan.

Marami nga ang nagkaroon ng maling akala at galit na galit sa mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN dahil akala nila eh ang naturang pamilya pa ang may-ari ng Meralco. Pero sa totoo lang, si Pangilinan na ang opisyal na namahala sa Meralco mula pa noong 2012.

Pero hirit ng mga kurimaw natin, malamang na hindi alam ni MVP na ginawang bibingka ng mga kompanya niyang Meralco at PayMaya ang mga costumer nila sa kuryente. Baka nga raw pati ang paraan ng paniningil ng Meralco sa panahon ng ECQ—partikular ang inirereklamong May billing eh baka hindi rin alam ni MVP.

Ang malaking tanong, may masabon o kaya eh maka-quarantine sa Meralco at PayMaya dahil sa ginawa nilang bibingka ang mga consumer ng power distributor? Aba’y kailangan mag-isip sila ng paraan para makabawi at maibangon ang kanilang puri lalo pang pinatutsadahan sila ng ilang mambabatas na ganid sila sa pera sa panahon ng ECQ.

Paalala rin sa mga consumer ng Meralco na nagrereklamo sa mataas na bayarin nila sa Mayo, aba’y huwag masyadong umasa na mababawasan ang singil sa kanila matapos iutos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco na maglabas ng bagong billing base sa metro. Alam nyo naman sa panahon ngayon, maraming shocking na nangyayari.

At bago natin makalimutan mga tropapips, ginunita ngayong Mayo 23 ang ikatlong taon ng madugong Marawi siege na mahigit 1,000 katao ang nasawi, na kinabibilangan ng mahigit 100 tropa ng gobyerno, nasa 47 sibilyan at mahigit 800 na miyembro ng teroristang grupong Maute group.

Pero kahit tatlong taon na ang nakakaraan, sabi ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, wala pa ring nangyayari sa planong rehabilitasyon ng Marawi kaya nasa temporary shelter pa rin at nagdurusa ang nasa 17,000 mga mamamayan ng lungsod.

Kaya hindi mo masisisi ang kongresista kung hilingin niya na balasahin na ang Task Force Bangon Marawi (TFBM), na dapat magpapatupad ng Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP). May panukala rin si Hataman na bigyan ng kompensasyon ang mga taga-Marawi na nawalan ng tirahan o kabuhayan dahil sa giyera.

Ang problema, sa nakalipas na tatlong taon eh walang problema sa COVID-19 pero walang nangyari sa Marawi rehab, kaya ang malaking tanong—paano pa kaya ngayon? Sana lang eh magkaroon pa rin ng katuparan ang Marawi rehab kahit busy ang gobyerno sa COVID-19. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”