Ginebra, Columbian Dyip pagpag-malas sa Antipolo

Mga laro ngayon: (Ynares Center, Antipolo)
4:30 pm – NLEX vs. Meralco
6:45 pm – Ginebra vs. Columbian

Roller coaster ang biyahe ng Columbian Dyip sa unang apat na laro sa PBA Philippine Cup – nanalo sa San Miguel (124-118), talo sa Phoenix (108-98), bumawi sa NorthPort (110-100) bago tumukod ulit sa NLEX 107-97 noong Linggo.

Ang Ginebra, naipanalo ang unang salang noong opening day 90-79 kontra TNT pero nadalawang sunod na semplang na – kontra Beermen (99-91) at Rain or Shine (83-80) noong Sabado sa Calasiao, Pangasinan.

Magtatagpo ang dalawa sa first game ng Petron Saturday Special mamaya sa Ynares Center sa Antipolo.

Kumpleto ang Gineb­ra ni Tim Cone, isa pa sa consensus na team-to-beat noong preseason, pero hindi pa makuha ang ritmo.

Kailangan ilabas nina Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Joe Devance, Scottie Thompson at LA Tenorio ang angas para maalpasan ang Dyip.
Naiwan ng hanggang 31 sa second quarter ang Columbian kontra Road Warriors, naibaba sa 91-86 bago naubusan sa dulo.

Kontento si coach Johnedel Cardel sa pinapakita ng kanyang Columbian, dating pala­bigasan pero lumalaban na ngayon.

“I told the guys that every team in the PBA is a strong team, except for us. Now that we’re competitive, we have to play as a team and show some toughness every game,” aniya.

Aminadong kulang sa bigs, sumasakay ang Dyip kina rookies CJ Perez, JP Calvo at Jeepy Faundo, sa likod ng liderato nina vete­rans Rashawn McCarthy, Reden Celda at Jackson Corpuz. Pati sina Russell Escoto, Keith Agovia at Eric Camson, nagde-deliver ng quality minutes.
“‘Yun lang naman hinihingi namin sa kanila, give their best each game,” panapos ni Cardel.