Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum)
4:30 pm — NLEX vs Blackwater
7:00 pm — Ginebra vs Magnolia

KAPIT para sa Top 8 na uusad sa quarterfinal round ang nasa kukote ng magkapatid na Barangay Ginebra at Magnolia Hotshots sa main game ngayong gabi sa eliminasyon ng 2019 PBA Philippine sa Araneta Coliseum.

Magkadikit sa ikalima at ikaanim na puwesto ang Gin Kings at Hotshots bagaman isa dito ang inaasahang lulubog matapos ang kanilang paghaharap ganap na alas-7 ng gabi.

Kapwa hangad ng Gin Kings at Hotshots na makatuntong sa ­unang apat na silya na may dalawang beses tataluning insentibo sa quarterfinals kaya naman inaasahan na kapwa pilit ipagpapatuloy ng dalawang koponan ang pagwawagi upang makipag-agawan sa ­unang apat na silya.

Hawak ng Ginebra ang 4-3 panalo-talong record at solong ikalimang puwesto matapos nito huling biguin ang Phoenix Pulse Fuel Masters, 100-97.

Kasunod nito sa ikaanim na puwesto ang Hotshots na pilit dadag­dagan ang dalawang sunod na panalo upang mas mapataas ang bitbit na 3-4 panalo-talong record. Huling tinalo ng Hotshots ang Columbian Dyip, 109-83.

Samantala’y magpakatibay sa pagkapit sa pinag-aagawan na ikawalo at huling puwesto sa quarterfinals ang hangad ng NLEX Road Warriors sa pagsagupa nito sa nanga­nganib na tuluyang mapatalsik na Blackwater Elite.

Pilit na susundan ng Road Warriors masungkit ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa nito sa Elite sa unang salpukan ganap na alas-4:30 ng hapon.