Ginebra nilumpo ng endgame error

Miscues at krusyal na errors sa dulo ang pumatay sa Ginebra nang maubusan sa Phoenix 103-98 sa double overtime Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi nasundan ng Gin Kings ang 105-91 win kontra Blackwater noong May 11, nalubog sila sa 1-3 sa PBA Commissioner’s Cup.

Umangat naman sa 3-2 ang Fuel Masters.

Sa dulo ng second OT, lumabas ang pasa ni Scottie Thompson sa tumatakbong si Joe Devance. Makalipas ang 25 seconds, si LA Tenorio naman ang nag-error din sa pasa kay JDV muli.

“Costly turnover, pero I think we’re not gonna look at that game because of that turnover,” diin ni Tenorio. “We gonna look at the game, the whole game. There were also a lot of chances.”

Nabale-wala ang 3 ni Japeth Aguilar bago natapos ang regulation na nagbuhol sa iskor sa 85-85 at nagpuwersa ng first OT, dahil kumabyos ang bolang isinubo na lang sa rim at airball pa ang isa.

“You know it happens na mintis ako, but it’s not even the issue. May chances kami sa second overtime, we had some good looks but we didn’t convert,” pakli ni Aguilar, tumapos ng 25 points, 9 rebounds at 5 assists. “Then we had some crucial turnovers din. We kept falling behind, we’re playing catchup.”

Naiwan ng hanggang 16 ang Gin Kings, nagawang humabol pero hindi pumabor ang resulta, fouled out pa si import Charles Garcia na may 19 points at 18 rebounds, pero hindi na nakatulong sa dalawang extra periods.