Ginilitang parang manok

Isang bangkay ng hindi pa kilalang lala­ki na pinatay sa pagmamagitan ng pagilit sa leeg nito ang nadiskubre sa isang kalye sa Brgy. Baesa, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa report ni PO2 Virgilio Mendoza, may-hawak ng kaso, ang biktima ay tinatayang nasa edad na 25-30, may taas na 5’8, payat, moreno at nakasuot ng kulay brown na short pants.

Nadiskubre ang bangkay ng biktima ni Barangay Public Safety Officer (BPSO) Ronnie Dee sa kahabaan ng Baesa Road, ng nasabing barangay, dakong alas-tres ng madaling-araw.

Nakabulagta sa lugar ang duguang bangkay ng biktima nang makita ni Dee kung kaya’t agad nitong ini-report sa pulisya at sa  pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay napag-alamang may tama ito ng saksak at mistulang ginilitan ang leeg.

Posible rin umanong nagawa pang makatakbo ng biktima bago tuluyang bumuwal sa lugar dahil sa nakitang mga patak ng dugo.