Pinahaba ng Ginebra ang kalbaryo ng Phoenix matapos tunggain ng Gin Kings ang 105-92 panalo kagabi sa PBA Governors Cup sa Mall of Asia Arena.
Kumayod si import Justin Brownlee ng 24 points, 17 rebounds, five assists at four steals para balikatin ang crowd favorite Gin Kings na sumalo sa Meralco sa top spot ng team standings kapit ang tig-5-1 records.
Bumakas din si Japeth Aguilar ng 19 points, 13 boards at four blocks tungo sa five-game winning run ng Ginebra.
Pagkatapos ng first two quarters ay tatlong puntos lang ang abante ng Gin Kings, 53-50, kumalas sila sa third nang humarurot ng 32-18 run para paypayan ang 85-68 bentahe papasok ng payoff period.
“We were frustrated at halftime. We were a little sloppy,” wika ni Ginebra coach Tim Cone. “In the third quarter we were focused defensively, we made stops. That was pretty much the story of the game,”
Nagtala sina Greg Slaughter at Joe Devance ng tig-14 markers, may 12 pa si LA Tenorio para sa Ginebra.
Inumpisahan ng Fuel Masters ang season-ending conference sa dalawang sunod na panalo, pero wala nang nailusot sa sumunod na pito, dumidilim ang tsansa na makahirit ng laro sa susunod na phase.
Sa first game, kinalsuhan ng TNT KaTropa ang three-game winning streak ng Blackwater nang kontakin ang dambuhalang 117-96 win.