Naghabol sa first three quarters ang Ginebra, humabol sa fourth para makapuwersa ng overtime, pero sa extra period ay hindi kinaya ang long range shooting ng Alaska.
Ginawang tuntungan ng Aces ang 109-100 win laban sa Gin Kings para sumampa sa win-column ng PBA Governors Cup kagabi sa main game sa Smart Araneta Coliseum.
Naiiwan 76-70 pagkatapos ng three ang Gins, pero nakaungos 24-18 sa fourth at tinapos ang regulation na nakabuhol na sa iskor na 94-94.
Naglista si LaDontae Henton ng 31 points, may 19 si Chris Banchero at 14 kay RJ Jazul para sa Aces. Nakatistis ng 12 points si Calvin Abueva sa una niyang laro sa season-ending conference.
Tumapos din ng game-high 31 points at 13 rebounds ang bagong import ng Ginebra na si Justin Brownlee pero halatang pinabagal ng cramps. Umayuda si Sol Mercado ng 22, may 13 si LA Tenorio.
Pinantayan ng Aces ang biktima sa 1-1 baraha.
“Nice to see the fans come out and enjoy the basketball game,” bungad ni Aces coach Alex Compton sa post-game interview. “We’re kinda in control lately. We had that crucial stretch that I’m worried, but our guys held the fort.”
Inumpisahan ng 3-pointer ni Henton ang ratsada ng Aces sa OT, sinundan ng tig-isa pa nina JVee Casio at Abueva at nagsimulang lumayo ang team ni Compton.
Mula roon ay hindi na nakapalag ang Gin Kings.
Nagkaroon pa ng huling tsansa ang Kings na agawin na ang panalo sa regulation, pero nadiskaril ang bitaw ni Mercado sa labas ng arc nang bulabugin ng depensa ni Kevin Racal.