Hindi pa man naipapasa ang Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin kasama na ang mga locally produced na agricultural products.

Yung mga gulay sobra-sobra na ang taas ng presyo at alam kaya din ng mga lider na nangako ng magandang bukas sa mga Filipino noong nakaraang eleksyon na maski yung bawang ngayon ay halos P300 na ang bawat kilo?

Noong June 2014, lumagpas sa P300 ang bawat kilo ng bawang at matapos magreklamo ang mga tao ay saka lang kumilos ang gobyerno at inimbestigahan ang dahilan kung bakit naging ginto ang halaga ng bawang.

Maraming espekulasyon na may sindikatong nagmaniobra sa presyo ng bawang kaya naging ginto ang halaga nito. Hindi ko na alam kung meron bang naparusahang negosyante na nagsamantala.

Ang tanong ngayon, ano naman ang dahilan kung bakit masyadong mahal na ulit ang presyo ng bawang? Bakit masyadong mahal ang halaga nito? Mag-iimbestiga ba ang gobyerno?

Kung ang bawang ay masyadong mahal, isipin nyo na rin kung gaano kamahal na ang mga gulay nga­yon? Ang alam ko, meron price monitoring ang gobyerno, hindi ba sila nabahala?

Sabagay, hindi yata apektado ang mga nasa gob­yerno sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na kung inuutos lang naman nila ang pamamalengke at meron silang perang pambili.

Pero papaano naman ang mga ordinaryong mamamayan na apektado na dahil pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin pero hindi naman nadadagdagan ang kanilang suweldo?

Paano na ang mga mamamayan na walang buwanang suweldo o yung mga self-employed na hindi sigurado ang kita araw-araw na kokolektahan ng buwis sa bawat pagbili ng kanilang pangangailangan araw-araw?

Lalo tuloy nakakatakot ang magiging kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan kapag naipasa at na­ging batas ang CTRP dahil tiyak na malaki ang magiging epekto nito sa presyo ng mga bilihin.

Oo nga’t mababawasan ang income tax ng mga tao, lalo na ang mga manggagawa, tataas naman ang presyo ng mga bilihin mula sa panglutong liquefied petroleum gas (LPG) na ginagamit din ng mga ordinaryong mamamayan kahit walang trabaho at buwanang suweldo.

Sana maging kinatawan nga ng mga tao ang mga Kongresista natin at isipin ang magiging kalagayan ng mga taong nagluklok sa kanila sa kapangyarihan noong nakaraang eleksyon.

Huwag sana silang maging dahilan ng lalo pang paghihirap ng kanilang mga constituent na tiyak na maghihigpit na naman ng sinturon para mapagkasya lang ang meron sila.

 Ang dapat gawin sana nila ay panagutin ang mga taong gobyerno na dahilan kung bakit talamak ang smuggling, panagutin ang mga hindi nagbabayad ng tamang buwis imbes na pigain ang mga tao para magkaroon sila ng sapat na pondo. (dpa_btaguinod@yahoo.com)