Girl scout medalist natagpuang patay

Isang honor student na dalagita na isa ring opisyal at medalist ng Girls Scout of the Philipppines ang natapuang patay noong Martes, 24-oras matapos itong mawala sa Batangas City.

Kinilala ng Batangas City police ang biktima na si Rhona Yvette Ramirez, residente ng Barangay Banaba East.

Ayon sa report, natagpuan ang biktima na nakahandusay sa ilalim ng puno ng kamatsile sa gitna ng bukid sa nasabing barangay dakong alas 2:00 ng hapon.

Huling nakitang umalis ng kanilang bahay ang biktima pasado alas-8:00 ng gabi noong Lunes at hindi na nakabalik kaya nag-report na sa pulisya ang lola nito.

Napag-alaman na ang kanyang lola lamang ang kasama ng biktima dahil OFW ang kanyang ina.

Isinailalim na sa pagsusuri ng SOCO ang labi ng dalagita upang matiyak kung ano ang ikinamatay nito.

Hindi rin tiniyak ng pulisya kung biktima ng rape ang dalagita na isa ring honor student sa kanilang eskwelahan bukod pa sa officer ito ng GSP.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari. (Ronilo Dagos)