Nasa kainitan na ang kampanya kaya kanya-kanyang gimik na ang mga kandidato para makuha ang suporta at boto ng mga Pilipino.
Bagama’t aktibo ang kampanya ng netizens sa social media laban sa mga trapo at inaakalang hindi karapat-dapat maluklok sa puwesto, marami pa ring mga Pilipino ang nauuto lalo na kapag napangakuan at naabutan ng barya-barya mula sa mga kandidato.
Hindi maikakaila na marami pa ring botante ang napapaniwala ng mga trapong politiko kahit kitang-kita naman na walang nagagawa ito para sa bayan.
Ang iba ay nakailang termino na subalit ang pangako noon pang nakalipas na kampanya ay napako at nanatiling pangako hanggang ngayon.
Mayroon namang ibang mga kandidato na inugat na sa pagiging politiko at kahit dapat nagpapahinga na lamang ay nag-aambisyon pa ring manatili sa puwesto.
Kagaya na lamang nitong mga kilalang kandidato sa pagka-senador at pagka-alkalde na kahit halos hindi na makapagsalita ng tuwid at makalakad ng diretso ay umarya pa rin para makabalik sa puwesto.
Dapat isipin ng mga botante kung ano pa ba ang magagawa ng mga matatandang kandidato sa kanila batay sa mga nakaraang termino ng mga ito.
Maraming bagong sibol na mga kandidatong maaring pagpilian at may mga potensiyal naman kaya dapat siguro pag-isipan ito ng mga botante at huwag na lang basta makuntento sa mga dating politiko na wala namang nagawa sa puwesto.
Subukan ang mga bagong henerasyon para makita kung may ipinagkaiba ang mga ito sa mga antigong politiko dahil ang hinahangad naman ng mga botante ay ang maayos na pagsisilbi para sa kanila.
Tama na ang isa, dalawang beses na termino kun
sa tingin ng mga Pilipino ay hindi naibigay ang angkop na serbisyo sa mga ito.
Isang simpleng halimbawa kung magaling bang magpatakbo ang isang lokal na politiko ay ang isyu ng basura sa kanilang lugar. Kung hindi nahahakot at nakikitang nakatambak lang sa isang kanto, isa lang ang ibig sabihin nito:
Ang halal na opisyal ay tamad, walang pakialam at iba ang inaasikaso, at walang malasakit sa mga botanteng dapat nitong pagsilbihan!