Kailangang magdeklara na ng giyera laban sa trapik sa Metro Manila lalo na’t walang political will ang mga Metro mayors para resolbahin ang problemang ito na nagiging dahilan ng nawawalang P2.4 milyon kada araw, hindi lamang sa gobyerno kundi sa mamamayan.
Ito ang inirekomenda ni House committee on Metro Manila development chairman Winston Castelo sa isang press statement kahapon bilang suporta sa ikinakasang emergency power na ibibigay kay President-elect Rodrigo Duterte para resolbahin ang problemang ito.
“To systematically and summarily weed out excessive bureaucracy and corruption from traffic enforcement agencies, President Duterte, may exercise his emergency powers under the Constitution,” ayon kay Castelo.
Sinabi ng mambabatas na panahon na para bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang susunod na Pangulo ng bansa dahil kung iaasa lang sa Metro Manila mayors ang pagresolba sa problema ay hindi ito masosolusyunan dahil sa kawalan ng mga ito ng political will.
Sinabi ng mambabatas na karamihan sa mga Metro Manila mayors ay hindi kumikilos para malinis ang mga lansangan sa kanilang nasasakupan sa mga obstruksyon kaya hindi nakakapagtatakang hindi maresolba ang problema sa trapiko.
Maliban dito, hindi rin nagagawa ang mga proyekto ng gobyerno para dagdagan ang mga kalsada, makapagpatayo ng mga karagdagang tulay at iba pa dahil sa mga temporary restraining order (TRO) na iniisyu ng mga korte.
“Based on my experience as the Chair of the Metro Manila Development committee, this unprecedented traffic standoff would require the President’s emergency powers. Desperate times call for desperate measures. We need to take drastic moves to once and for all solve this chronic and severe traffic blight,” ayon pa sa mambabatas.
Kailangan na rin, aniya, ang presidential intervention para mahigpit na maipatupad ang pagdisiplina sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko, at magagawa lamang, aniya, ito sa pamamagitan ng emergency power.
Sa ilalim ng Article VI, Sec. 23 (2) ng Saligang Batas, maaaring payagan ng Kongreso na magkaroon ng emergency power ang Pangulo ng bansa subalit sa limitadong panahon lamang para maipatupad ang mga polisiyang kailangan lalo na sa panahon ng giyera at iba pang tinatawag na national emergency.
Para kay Castelo, isang uri na ng national emergency ang problema sa trapik sa Metro Manila dahil base sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay nawawalan ang gobyerno at mamamayan ng P2.4 bilyon kada araw dahil sa trapik. Ni Bernard Taguinod