Gladys-Christopher, nag-food tasting na para sa silver anniv next year

CHRISTOPHER & GLADYS

MARAMI ang naintriga at nagtatanong pa sa amin tungkol sa mga ipinost ni Gladys Reyes sa social media.

Ang ganda ng mensahe ng actress/TV host sa kanyang asawang Christopher Roxas na masasabi niyang ‘answered prayer’ ito sa kanya.

Ito kasi ang pinakamahirap niyang pagbubuntis, pero napapagaan ang hirap na iyun dahil sa suporta at pag-aalaga sa kanya ni Christopher.

Post ni Gladys, “He extends his patience & understan­ding my mood swings, makes me feel secured and assured always.

“After all these years (24 years of togethernes), still ne­ver fails to compliment me. Luv u bebe!”

Meron pang post si Gladys sa tatlo niyang anak, kaya nagtatanong sa amin ang iba kung bakit may mga ganu’ng emote ang aktres sa IG.

“Hindi ba puwedeng i-post lang dahil sa bago naming pictorial?” bulalas ni Gladys sa amin.

Noong araw pala ng baby shower ni Gladys, nagpa-photo shoot muna sila sa kanilang bahay para may mga bago silang litrato na family picture nila bago siya manganak.

Natutuwa lang siya sa mga litrato nila kaya ipinost niya ito at nilagyan ng magandang caption.

Iyun lang daw iyun para magamit ang mga bago nilang litrato.

Sa totoo lang, marami siyang dapat ipagpa­salamat sa Diyos dahil sa kanyang pamilya lalo na sa asawa niyang buo ang suporta sa kanya.

Kaya gusto lang niyang i-post ito sa kanyang social media account.

Ibinalita na rin ni Gladys sa amin na magkakaroon sila ng renewal of vows ni Christopher sa susunod na taon.

Sa January 23, 2018 ay 14 years na silang kasal ni Christopher at idagdag pa ang 11 years na relasyon nila bilang magkasintahan, kaya 25 years na ang masaya nilang relasyon.

Silver anniversary ang ipagdiriwang nila sa susunod na taon, kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nila ito.

“Pero maloloka ka, Kuya Gorgs, nag-food tasting na kami kanina,” natatawang kuwento sa amin ni Gladys.

Binubuo na nila ang detalye ng renewal of vows nilang dalawa dahil gusto nilang pinaghahandaan na ito ngayon pa lang.

Halos lahat ng supp­liers sa kasal nila 13 years ago ay iyun pa rin ang gusto nilang kunin.

Sa Fernwood sa Tandang Sora ang reception noon ng kanilang kasal, kaya gusto nila sa Fernwood na rin ang kanilang pagpapakasal, pero nga­yon ay sa Fernwood Tagaytay na ito

Sana, pumuwede raw ang mga nakuha nilang ninong at ninang nung unang kasal.

Ngayon ay baka idagdag daw nila sina Regine Velasquez, Helen Gamboa at si Sen. Grace Poe na kung saan ninang nila sa kanilang kasal si Susan Roces.

Excited si Gladys sa kanilang renewal of vows dahil makakasama na nila ang kanilang apat na anak, kasama na roon ang isisilang niyang si Gavin Cale.

Tantiya ng OB-Gyne ni Gladys, mga second week of May na siya manganganak.