NAKASABAY ng mag-asawang Gladys Reyes & Christopher Ro­xas kamakailan ang mag-asawang Judy Ann Santos & Ryan Agoncillo sa airport at parehong lumipad pa-Amerika ang da­lawang couple.

Kinantiyawan namin si Gladys na baka kung sina Juday ay bumili ng bahay sa Las Vegas, sila naman ni Christopher ay bumili ng house sa San Francisco.

Natatawang sagot ni Gladys, hindi sila bumili kundi naglinis lang ng bahay roon. Biro pa niya, nag-Sanfo nga sila pero nag-stay sila sa tulay, sa Golden Gate Bridge.

Masaya si Gladys para sa bestfriend niyang si Juday dahil afford nitong bumili ng bahay sa Amerika. Siya ay hindi niya afford na bumili ng gano’n.

“Eh kung meron ba kaming budget na katulad nu’ng kina Judy Ann, why not, ‘di ba? Pero de­finitely, hindi para tirhan na doon na kami fulltime,” bulalas ni Gla­dys na kasama sa cast ng bagong Kapuso drama na Oh, My Mama!

May dinaluhan silang kasal sa Florida, kaya sponsored ng sister-in-law niya na kapatid ni Christopher ang biyahe nilang ‘yon dahil ikinasal ang isang kamag-anak ni Chris.

At dahil first time ng mother-in-law ni Gla­dys sa US, from Sanfo ay nag-Miami sila (na overrated daw ang beaches at mas maganda pa rin sa ‘Pinas), tapos ay tumuloy sila ng New York.

Nag-honeymoon din ba silang magdyowa sa biyaheng ‘yon?

“Siyempre, sa bawat stop-over na ‘yon, dapat naman kasama ang mga ganap. Siyempre, ang daming hotel na tinuluyan, ‘di ba?” natatawang sagot ng mahusay na aktres.

12 years na silang kasal ni Chris, na bago ‘yon ay 11 years muna silang magsyota. So, bale 23 years na sila together.

Sa tagal na ‘yon ay bongga pa rin ang sexlife nilang mag-asawa. They make it a point na la­ging may bago para ma-enhance ang lambingan nila.

“Siyempre, pag magla-loving-loving kayong mag-asawa, dapat man lang bago ‘yung pantulog mo, mga gano’n. O kaya, bago naman ‘yung drama n’yo, mga ganyan.

“Halimbawa, ibang lugar naman. Gaya ng San Francisco. Ha! Ha! Ha!”

Sa Miami ay binilhan siya ni Chris ng sexy undergarments (bra at panty) na kulay purple.

Kaya lang ay ang laki sa kanya, hindi nito alam na XS ang size niya.

Puwede pang masundan ang bunso nilang si Grant kung gusto nilang mag-asawa dahil hindi pa nagpapatali si Gladys.

Gusto pa ni Chris, pero ayaw na ni Gladys magkaanak ulit. So, they make sure na ‘safe’ ang mga loving-loving nila.

‘Pag nagchochorvahan ba sila ni Papa Chris, minsan ay napapasigaw ito ng OH, MY MAMA!?!

“Ano ‘to, maipasok lang ‘yung title? Ha! Ha! Ha! Ha! Sa sex, ganu’n ang sasabihin?!

“Dyusko, hindi ko ma-imagine si Christopher na sinasabi ‘yung, OH, MY MAMA!! Ha! Ha! Ha! Ha!

“Hindi ba puwedeng iba ang sabihin? OH, MY MAMA! talaga? Maikonek lang sa show? Hindi ba puwedeng wala ‘yung Mama? OH! OH! OH! lang?! Ha! Ha! Ha! Ha! Nakakaloka!” natatawang dayalog sa amin ni Gladys.

For a change ay hindi siya kontrabida sa Oh, My Mama! na pinagbibidahan ni Inah de Belen.

Stand up comedienne at impersonator ang role ni Gladys na nakatuwang ni Epy Quizon sa pagpapalaki kay Maricel (Inah).

Dahil impersonator ang karakter niya ay ginaya rito ni Gladys sina Madame Imelda Marcos, Gloria Macapagal-Arroyo at Erap Estrada.

Ang sabi namin sa kanya ay parang mas keri niya ang mag-Senator Leila de Lima.

Sa Lunes (September 19) ang simula ng Oh, My Mama! sa GMA Afternoon Prime after Eat Bulaga.