WEIRD ang pakiramdam ni Glaiza de Castro na i-link sila ni Dominic Roco na katambal niya sa indie movie na Sleepless.
Naging boyfriend ni Glaiza ang twin brother ni Dominic na si Felix Roco (si Dom ay kay Maxene Magalona).
Kaya hindi ma-imagine ni Glaiza na gawan sila ng romantic angle ni Dom dahil hindi ganu’n ang tingin niya rito.
“Parang ang weird. Kasi, tinuring ko na siyang kapatid, eh. Kumbaga, parang extended family na namin siya. So, ang weird ng ganu’ng idea,” natatawang pakli ng Kapuso actress.
Aniya, kaya perfect ang indie movie nila para sa kanilang dalawa dahil hindi ito love story, pero mukhang love story.
Nakangiting sey ni Glaiza, meron silang bed scene rito ni Dom, pero walang love scene o kahit kissing scene.
Matagal na silang magkaibigan dahil tropa si Dom ng kapatid ni Glaiza na si Alchris Galura.
Ganu’n din ang feeling ni Dom kay Glaiza dahil sobrang magkaibigan lang sila, walang malisya.
Pero may hirit si Dom na perfect girlfriend si Glaiza dahil matagal na silang magkasama at sobra na niya itong kilala.
Dahil real friends sila, hindi work ang pakiramdam ni Glaiza nang gawin nila ang movie at parang hindi sila umaarte pareho.
Sila ni Felix ay friends pa rin pero wala nang communication. Sila ni Dom ay mas naging close dahil open ito as a person kumpara sa kakambal nito.
Sey ni Glaiza, isa sa paboritong pelikulang ginawa niya ang Sleepless, na refreshing ang story tungkol sa dalawang call center agents na parehong insomniac.
Nanalong Best Actor dito si Dominic sa QCinema filmfest 2 years ago, na hindi expected ni Dom dahil ang gagaling ng mga nakalaban niya.
Ngayon lang magkakaroon ng commercial showing ang nasabing indie film, salamat sa CineLokal project ng FDCP at SM Cinemas.