Dumayo pa ng Ynares Center sa Antipolo ang GlobalPort kagabi para tuldukan ang 10-game losing streak sa San Miguel Beer via 98-92 upset win sa PBA Governors’ Cup.
Ang 28-8 lead sa bukana ng second period sa mainit na simula at solidong pagtatapos ang kinasangkapan ng Batang Pier para pagurin at perderin ang pabugsu-bugsong rally ng Beermen tungo sa unang back-to-back win at 2-4 overall win-loss record sa sosyo sa eighth place sa Phoenix.
Nakaahon pa ang SMB, nakabentahe sa 43-41 pero mula roon ay muling katakut-takot na paghahabol ang ginawa hanggang dulo at nasadlak sa 4-2 ka-triple tie sa second ang Ginebra at Mahindra.
Backcourt tandem nina Stanley Pringle at Terrence Romeo kasama si Michael Glover ang kumitil hanggang sa endgame na pagpupumilit ng Beermen na maagaw pa ang panalo para sa second victory ng GlobalPort sa 14 matches kontra SMB.
Top scorer si Pringle sa 25 points, kinamada ni Romeo ang 16 sa 18 points nya sa second half habang naka-15 points at 15 rebounds si Glover na apektado sa kumuha sa kanya sa depensang si June Mar Fajardo.
Nawalang saysay lang ang double-double jobs nina Arizona Reid (51 points, 15 rebounds) at Fajardo (21 at 14), maging ang 15-puntos ni Marcio Lassiter para sa Beermen.
“This is a big, big fish. Our players played good in the first half and when San Miguel came back, they responded naman,” bulalas ni GlobalPort coach John Edel Cardel. “We told the boys at the half that we had to play forty-eight minutes of basketball to win this game.”
Sa first game, nagsalpak ng conference-high at sixth all-time most in a game na 19 3-pointers ang TNT KaTropa nang magdomina sa second half para biktimahin ang Phoenix, 124-117, at dumaong na sa quarterfinals sa six straight wins.