Globe palalakasin contact tracing sa TanodCOVID

Nakipag-ugnayan ang Globe Telecom ng mga Ayala sa Department of Science and Technology (DOST) para palakasin ang kakayanan ng bansa sa contact tracing sa pamamagitan ng online platform nitong TanodCOVID.

Inumpisahan nang gamitin ito ng walong local government unit (LGU) sa bansa kabilang dito ang Malabon, Mandaluyong, Puerto Galera, Oriental Mindoro, San Jose sa Romblon, Valencia sa Bukidnon, Jabonga sa Agusan del Norte, at Maigo sa Lanao del Norte.

Ayon sa Globe, pinondohan ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development ang TanodCOVID na ginawa ng Ateneo Center for Computing Competency and Research at ng University of the Philippines Manila-National Telehealth Center at ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau.

Ang TanodCOVID ay nagkakalao ng impormasyon at pinoproseso nito para makatulong laban sa pagkalat ng coronavirus sa bansa.

Sa TanodCOVID, maaaring i-text ng mga tao ang kanilang nararamdamang mga sintomas tulad ng ubo, lagnat, hirap sa paghinga, at pagtatae sa verified number ng kanilang LGU para malaman ng mga health official.

Ipadadala ang report sa platform na ibiberipika naman ng mga health official na maaaring humingi pa ng karagdagang impormasyon sa nag-text. Ang mga beripikado nang ulat na galing sa TanodCOVID naman ang magtatala para Makita kung nagkukumpol ang mga kaso ng coronavirus infection sa isang lugar na senyales na may outbreak doon.

Ililibre ng Globe ang mga LGU partner nito at ang mga constituent na gagamit ng TanodCOVID. Ito ay para masiguro na real-time ang reporting sa mga kasamang lugar.

Sa TanodCOVID, layunin ng Globe na bigyang halaga ang serbisyo nito sa mga customer at mga komunidad para mapangalagaan ang kanilang kalusugan at kaligtasan sa panahon ngayong mahirap makakuha ng testing at mahirap ding pumunta sa mga ospital at doktor, sabi ni Globe chief commercial officer Albert de Larrazabal.

Sa datos ng makakalap, umaasa rin ang Globe na mabilis nitong makikita at ma-isolate ang mga may sakit para konti na lang ang mahawa.

Para updated din ang mga customer ng Globe sa pinakabagong balita tungkol sa COVID-19, libre ang access sa kanilang mga mobile at broadband customer sa official website ng Department of Health (DOH) at National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).