Globe pinalakas contact tracing sa coronavirus

Nakipag-ugnayan ang Globe Telecom ng mga Ayala sa Philippine Red Cross (PRC) para sa RC143, isang contact tracing mobile app ng nasabing ahensya na makatutulong sa mga medical frontliner na kilalanin ang mga taong maaaring na-expose sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Globe, Bluetooth at GPS ang ginagamit ng RC143 para matunton ang mga taong nakahalubilo ng mga COVID-19 patient.

Natitimbang din ng RC143 app kung malaki ang pagkakataong mahawa ang isang tao sa coronavirus at makikipag-ugnayan din sila sa mga kinatawan ng PRC para malaman kung kakailanganin nila ng medical assistance.

Kukuhanan ng app ng impormasyon ang mga taong gagamit nito at kasama sa impormasyon na kukuhanin ay ang kanilang location data para matimbrehan kaagad ng PRC ang mga gumagamit ng app kung nagkaroon sila ng direct o indirect contact sa COVID-19 patient.

Tutulungan din ng RC143 app ang mga user na lumayo sa mga lugar na tinuturing na high risk para sa mga taong kailangang lumabas ng bahay upang magtrabaho o bumili ng pangangailangan.

Gagamitin din ng Globe ang RC143 para magpadala ng mga advisory sa mga tao upang suportahan ang komunikasyon ng PRC.

Kahit na sinong residente ng Pilipinas na may aktibong Philippine mobile number ay makagagamit ng RC143 na mada-download sa Google Play Store. Para sa mga Android user pa lang ito at umaasa ang Globe na malapit na rin lumabas ang iOS version nito.

“Through this partnership, we aim to empower mobile users to take a more active part in aiding frontliners and PRC’s command centers by being more proactive and cautious towards their own safety,” sabi ni Globe chief commercial officer Albert de Larrazabal. (Eileen Mencias)