INILUNSAD ang libro ni Gloc-9 na Akin Lang Naman para sa mga estudyanteng pinag-aaralan ang mga likha niyang kanta.
Sabi ni Gloc-9, ang mga ginawa niyang kanta, kung tatanggalin ang musika o ang melodiya, maiiwan ang lyrics — iyun na ang kanyang mga tula.
Ang dami na niyang nagawang mga tula na karamihan nito ay naging kanta at sumikat. Ilan sa mga kanta nito ay ang Sirena, Upuan, at Hari ng Tondo na pinag-aaralan sa Pilipino subject ng karamihan sa mga paaralan.
Pahayag ni Gloc-9, “Kinontak kami ng DepEd na ginagamit nila ang Hari ng Tondo at Upuan sa Pilipino subject. Sabi namin, ilatag na natin lahat ng songs para kung gamitin man nila eventually, at least ‘yun na ‘yun.”
Kaya tuwang-tuwa siya sa positive feedback mula sa mga estudyante nang lumabas ang librong ito.
“Natuwa po talaga ako kasi kung meron man po talaga ako na isang bagay na gustong i-impart sa kabataan ay ‘yung matulungan at maituro ko sa kanila kung paano ako sumusulat ng mga letra, at kung ito po ay maka-inspire sa kanila ay malaking bagay sa akin ‘yun,” saad nito.
Ayon kay Gloc-9, marami pa siyang nagawang mga tula na baka magiging kanta na rin isa sa mga araw na ito.
Isa mga inspirasyon sa mga nagawang tula ni Gloc-9 ay ang kahirapan ng bansa.
Lahat ito ay naobserbahan niya nung hindi pa siya singer/rap artist, at hanggang ngayon ay aware siya sa mga nangyayari sa paligid natin.
Kagaya ng pagpaslang kay Kian de los Santos, ang drug war, at sa ating presidente.
Saad ni Gloc-9, “May songs po ako sa bagong album na may opinyon sa mga ganyan. Meron po akong title na Norem (kabaligtaran ng Meron), ito ay tungkol sa drugs.
“Meron din akong title ay Rotonda, title track ng album ko. Ito ay tungkol sa buhay ng isang Congressman, ito ay kuwento ng buhay niya.
“Hati po ‘yun sa tatlong POV, dahil may kasama po akong dalawang guest rappers du’n.
“Ang POV ko ay medyo generalize at merong POV ng isang drug pusher, at ang isa POV ng user. Na-tackle namin ‘yun.”
Ang pananaw at mensahe lang ni Gloc-9 sa mga nangyayari sa ngayon, “Wala na po tayong magagawa kung tayo ay mag-aaway-away dahil tayo po ay under ng pamumuno ng ating presidente.
“I think, ang pinakamabuti ay magtulungan tayo, huwag tayo mag-away-away. At least, mas maraming magandang maibunga kesa sa pangit na maibunga.
“At saka, tayo po ay nakatira sa isang bansa na mahirap ang buhay. I think ang pinakaimportanteng gawin natin ay atupagin ang pamilya natin.
“Kanya-kanyang pamilya ang ating intindihan. Kasi kung maayos ang lahat, hindi na tayong makialam sa ibang tao eh,” pahayag ng kilalang singer/rapper.
Ang librong Akin Lang Naman ay mabibili sa National Bookstores sa halagang P195.