Gloria bilang deputy speaker ikinokonsidera

Pinag-aaralan ng liderato ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso na iupo bilang Deputy Speaker si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang kinumpirma ni House majority leader Rodolfo Fariñas ng Ilocos Norte ukol sa gagampanang papel ni Arroyo sa Kamara ngayo’y nagagampanan na niya ang kanyang trabaho bilang mambabatas matapos makalabas sa Veteran Memorial Medical Center (VMMC).

“It is possible that former President Arroyo will be one of our deputy speakers,” text message ni Fariñas sa mga mamamahayag kaugnay ng papel ni Arroyo sa 17th Congress.

Plano ng Kongreso na magtalaga ng 12 House deputy speakers bilang trial balloon sa Federal Government na ipapalit sa kasalukuyang presidential form kapag naamyendahan ang Saligang Batas.

Kabilang na rito ang Central Luzon State kung saan galing si Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga simula noong bumaba ito sa Malacañang noong 2010.

Kasama sa trabaho ng Deputy speaker ay mag-preside sa session sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at magsisilbing lider ng mga mambabatas na mula sa kanilang rehiyon.