Nagtataka si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa biglaang pagbabago ng isip ng Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa pagbuwag sa Road Board na siyang nangangasiwa sa bilyong kita mula sa road user’s tax (RUT)
Ipinaalala ni Lacson na sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez, nagpasa ng panukala ang Kamara at ang Senado para sa pagbuwag ng Road Board kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagiging ugat ito ng katiwalian.
Subalit, nang nasa ilalim na ni House Speaker Gloria Arroyo, hindi kumilos ang Kamara para sa bicameral conference meeting at nalaman nilang nais bawiin ng mga kongresista ang panukalang batas.
Dahil dito, in-adapt na lamang ng Senado ang panukala ng Kamara upang wala nang bicam at ministerial na lamang ang paglagda nina Arroyo at Senate Presidente Vicente ‘Tito’ Sotto III sa panukala bago ito isumite sa Pangulo para sa kanyang pirma.
Gayunman, hanggang ngayon ay ayaw aniyang kumilos ng Kamara at isa umano ito sa naging ugat ng sigalot sa pagitan nina Budget Secretary Benjamin Diokno at ilang kongresista.
Ito ay dahil ayaw ilabas ni Diokno ang pondo para sa Road Board.
“Ang tanong ko, ang alam namin bakit ayaw, ang HOR (House of Representatives) nagboto sila i-abolish bakit bigla nagbago ang isip nila nang nagpalit ng liderato ayaw pa-abolish, anong interest nila sa RUT? That’s about P45B kasi medyo naipon,” diin ni Lacson.
“Ngayon dahil ayaw ipa-abolish ng HOR, may instruction si PRRD (President Rodrigo Duterte) na huwag mag-release ng pondo kasi DBM nagre-release niyan. Doon nagkaroon ng medyo usapin against Malacañang and the HOR,” dagdag pa nito.