Sa loob lamang ng limang buwang pamumuno ay matagumpay na naitimon ni dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Kamara.

Patunay na rito ang pag-apruba ng Kamara sa lahat ng mga prayoridad na panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na inisa-isa nito sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Ibinida ni Speaker Arroyo na dahil sa sipag at dedikasyon ng kanyang mga kasamahan sa Kamara ay naaprubahan nila ang 15 prayoridad na panukala ni Pangulong Duterte.

Kabilang sa priority bill ng Pangulo ang Bangsamoro Basic Law (BBL), Security of Tenure Act, Utilization of the Coco Levy Act, National Land Use Act, pagtatag ng Department of Disaster Resilience, Rice Tariffication, Trabaho Bill o TRAIN 2, Mining Tax, Alcohol Tax, Tobacco Tax, Reform in Property Valuation, Reform in Capitol Income and Financial Tax, Tax Amnesty Program, Universal Health Care at ang pagbabago sa Konstitus­yon na magbibigay-daan sa gobyernong pederal.

Maliban sa mga ito ay umaabot sa 1,361 panukala ang naaktuhan.

Sa 492 naaprubahang panukala ay 95 ang naisabatas.

Ini-adjourn ang sesyon nitong ­Miyerkoles, Disyembre 12.

Muli itong magbubukas sa Enero 14, 2019, maliban na lamang kung idedeklara ng Pangulo na magkaroon ng espesyal na sesyon.