ANG bagong programa ni Tita Gloria Romero na Daig Kayo ng Lola Ko ang kapalit ng Tsuperhero na magsimula sa Abril 30 (Linggo) sa GMA 7.

Sa presscon, halos iisa ang tanong ng karamihan kay Tita Glo — kung saan pa siya nakakahugot ng lakas ngayong dalawa ang programang ginagawa niya.

Andiyan pa kasi ang Meant To Be.

Meron siyang cut-off hanggang 12:00 midnight. Minsan ay kaya pa niyang mag-stay sa taping pero mismong mga production staff na ang nagpapauwi sa kanya.

Nagpapasalamat siya sa GMA 7 dahil nandiyan ang pag-aalaga at ang laging concern ay ang kalagayan niya bilang isang 83-anyos na nagtatrabaho sa natu­rang network.

Natatawa na lang siya nang tinanong ito kung gaano ba kadami ang mga gamot na iniinom niya para magkaroon siya ng lakas na magtrabaho.

Ani Tita Glo, “‘Pag naggo-grocery ako, ako ang nagtutulak ng cart, parang exercise ko.

“Dalawa lagi ang question sa akin, ‘Ilang taon na kayo? Hindi pa kayo magre-retire?’

“Pangalawa, ‘Anong iniinom n’yong gamot? Bakit nakakalakad pa kayo?’

“I eat anything pero pakonti-konti. Masunurin ako sa doktor.”

Minsan, gusto na niyang maglakad ng label na ikukuwintas niya kung ilang taon na siya at gusto niyang sabihing wala siyang tini-take na maintenance.

Mga ordinaryong vitamins lang daw ang tini-take niya, at Vitamin C dahil sipunin siya.

Ang bale gamot lang na lagi niyang dala ay ang gamot niya sa Vertigo na kaagad niyang tini-take kapag sinusumpong siya.

Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil binibigyan siya ng lakas, at nakakapagtrabaho pa siya.

“Gusto ko pang mabuhay nang matagal para makasama ko kayo,” masayang pakli ni Tita Glo sa presscon ng bagong programa niyang Daig Kayo ng Lola Ko.

***

Si Neil Arce ang kasama ni Angel Locsin na dumating sa Tipsy Pig Gastropub kamakalawa kung saan sinorpresa siya ng mga kaibigan niyang karamihan ay nasa Kapamilya network.

Kahapon ang birthday ni Angel at nag-post si Neil ng mensahe niya sa Kapamilya actress.

Makahulugan ang post nito na tila may nilu-look forward siya sa pitong taong friendship nila ng aktres.

Iniiwasan ni Neil na magsalita tungkol sa kanila ni Angel lalo na’t kasagsagan na ng promo ng pelikulang Luck at First Sight na prinodyus niya.

Pero hindi pa rin maiwasang matanong at ang dating girlfriend niyang si Bela ang napapasagot na masaya ito para sa dating boyfriend.

Kasama kaya ni Neil si Angel sa premiere night ng nasabing movie?

Sabi ng aming source, may mga naka-set na block screening nito na isasabay sa showing nito.

Posibleng doon join si Angel kay Neil.