Aminado si ­dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na gumamit siya noon ng medical marijuana para maibsan ang matinding pananakit ng kanyang cervical spine.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Arroyo na minsan na siyang gumamit ng pain patch na may sangkap galing sa marijuana kapag nagagawi siya sa mga bansang pinahihintulutan ang paggamit ng nasabing topical painkiller.

“I really believe in medical cannabis. As you know I have my problem here (in my cervical spine) and when I’m in a country that allows it, I put a pain patch,” sabi ni Arroyo.

Matatandaang sumailalim sa isang Anterior Cervical Decompression and Fusion (ACDF) procedure ang dating Pangulo noong 2011 dahil kanyang sakit na cervical spondylosis.

Dahil sa nasabing kundisyon, may mga panahong suot ng lider ng Kamara ang kanyang trademark na “neck brace.” Bagama’t madalang na niya itong isuot ngayon, may mga oras pa din na ginagamit niya ang nasabing neck brace bilang proteksyon sa kanyang cervical spine.

Ang presyo ng ginagamit na pain patch ay mula $18-$75 depende sa laki.
Si Arroyo ay isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang legalisasyon ng medical marijuana na nakabinbin pa din ngayon sa Kongreso.