Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno sa Manila Health Department (MHD) at Permits and Licenses Bureau ang Glutaholics Spa kung nagkaroon ng kapabayaan sa pagkamatay ng isa nilang customer kamakailan matapos na magpa-inject ng glutathione.

Nabatid na pinakokolekta lahat ni Moreno ang mga impormasyon kaugnay sa pagkamatay ni Shyril Distor, 33, ng Sampaloc, Maynila.

Habang hindi naman nakikipagkooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon si Jillian Dizon, nurse at siyang nagsaksak sa glutathione dose sa biktima.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, nawalan ng malay si Distor matapos maturukan ng isang vial ng Aqua Skin-Diamond Pro Ultra White-140, na gawa ng Skinnic Laboratory at isang ampule ng ascorbic acid na Vitarex-C na mula sa Grand Pharmaceutical sa Lutaholics SPA na matatagpuan sa 1434 Prudencio St. corner Ma. Clara St., Sampaloc, Maynila.

Si Distor ay isinugod sa UST Hospital pero alas-11:30 nang gabi nang tuluyang bawian ng buhay. (Juliet de Loza-Cudia)